Thursday, April 24, 2008

Paghihintay sa tren – albert banico


Paghihintay sa tren – albert banico

Mahusay na sakyan ang tren sa mga nagmamadali at naghahabol ng oras lalo na yung mga papasok ng opisina at eskuwela. Malinis na at hindi pa nakakadumi sa hangin at kapaligiran.

Karamihan sa atin ay sumsakay sa mga tren ng Light Rail Transit (LRT) biyaheng Baclaran-Monumento o Recto-Santolan at Metro Rail Transit (MRT) sa kahabaan ng EDSA. Pero nakakahinayang na wala pang tren na tumatakbo sa lumang riles mula Hilagang Luzon hanggang Timog sa rehiyon ng Bikol.

Sabi nga ni Ka Oscar Orbos, noong panahon ng Himagsikan laban sa mga Amerkano may daang taon na ang nakakalipas, nakuha pang gamitin ng ating mga bayani, ang riles na biyaheng Maynila patungong Dagupan, Pangasinan upang iwasan ang humahabol na mga Amerkano na aaresto kay Emilio Aguinaldo. Sa katotohanan, sa libro ni Nick Quaquin naikuwento niyang nahulaan nila Heneral Antonio Luna na ang mga labanan sa panahon ng himagsikan ay magaganap sa kahabaan ng mga riles ng tren. Hindi sila nagkamali bilang mga siyentipiko at inhinyero.

Noong huli kong nakita ang tren ng lumang riles, nakatira pa ako sa Maynila. Luma, marumi at pinapahinto ang mga sasakyan sa kalye na pinatatakbo ng gasoline. Para bang sinasabi ng tren na ako ang tunay na hari ng kalye. Ang naghahari-hariang Jeepney ay tumitigil din at walang magawa kundi maghintay habang para usad pagong ang kinakalawang na tren.

Ginagamit pa nuon na na basurero ang tren ng lumang riles. Noong bukas pa ang Smokey Mountain ng Tondo, bumabagtas ang tren ala-dala ang gabundok na basura at ang pamapasaherong tren naman ay pinauulanan ng mga plastic ng basura ang bubungan nito galing sa mga nakatira sa mga barung-barung.

Wala na karamihan ang maraming barong-barong sa kahabaan ng mga riles sa Metro Manila. Naitaboy na sila ng pamahalaan sa labas ng Maynila. sa kabila ng ilang pagnanakaw sa mga bakal ng riles upang ipakilo ng ilang walang hanap-buhay nating mga kababayan, nauwi sa isyu ng katiwalian ang pag-aayos ng Tren na sinasabing nais pondohan ng bansang Tsina.

Anu’t anuman ay nakatiwang-wang ang riles. Naghihintay sa Tren. Sa Kabikulan, buong-buo pa ang mga riles na ito. Tumatahak sa mga palayan, kabundukan at mga ilog. Binabaybay ang kanayunan lalo na ang madidilim na bahagi nito.

Sinasabi pa nga ng mga matatanda sa Bikol na noong dekada 50’s at 60’s, nang tumatakbo pa ang tren at kaunti pa lamang ang mga karag-karag na bus na lumuluwas galing Bikol pa-Maynila, ang mga pasahero ay tumatangkilik nito. Ma Mon Luk pa nga raw ang caterer ng pagkain sa luob ng tren.

Sana ay buhayin muli ang mga tren patungo sa kasulok-sulukan ng kanayunan. Walang bansa sa daigdig na hindi umunlad ng hindi gumamit ng massive mass transportation system. Kailangan lamang ayusin ang tibay ng riles at paandaran ng tren. Tiyak na may sasakay na pasahero. Bibilis ang kalakalan at turismo. Dadami ang mga bagong sentro ng komersiyo at trabaho higit sa madidilim at ilang na bahagi ng kanayunan. Naghihintay ang riles.


>>>>>>>>>>>>>>>>