Friday, May 23, 2008

Pagkatapos ng Kabataan –albert banico

Isang yugto ng buhay ang kabataan. Sa panahong ito naghahayag ng sarili ang mga batng puso at isip.
Ang dating musmos, walang gaanong pinakikialaman maliban sa kanyang sarili at pamilya, nag-uumpisa siyang abutin ang kapwa.

Sa panahong ito, ang lahat ay kaibigan. Walang pinipili. Lahat ay gustong makilala at magpakilala. Kanya-kanay man ang imaheng dala, ang kultura, puso at isip ay napag-iisa.

Makikita sa pananamit, batang pamumuhay, kakatawanan, pananalita, pakikisalamuha at kung minsan ay pati lahat ng pisikal na anyo gaya ng gupit ng buhok, tabas ng kilay o patilya, kulay ng kuko at kung anu-ano pa.

Ito ang panahon na simple ang buhay ngunit kumplikadong-kumplikado ang pananaw at pagyakap sa bawat sa pagsubok at dumarating na suliranin. Ang salitang kalayaan at malayang sarili ang isinisigaw sa puso at isip. Kalayaan sa magulang at pangaral ng nakatatanda. Kalayaan sa masamang impluwensiya lalo na sa mga dala ng bisyo. Katigasan ng ulo at pagbalikwas na gawi, salita at padalos-dalos na desisyon.

Sa kalaunan, ang masasamang impluwensiya ay dumarating. Ang ilan ay hindi madadala, ang iba naman ay masasangkot samantalang ang karamihan ay nasa kalagitnaan ng pautay-utay na pagsubok sa mga tukso ng lipunan.

Anu’t anu pa man, ang mga batang bobo at matalino, ang tamad at masipag, ang mabait at hindi gaanong mabuti ay patuloy na magsasama at magtutulungan. Magdadamayan at hindi mag-iiwanan.

Sa pagdaan ng panahon, ang mabuti at ang tuso ay nahihiwalay. Ang matalinong tuso ay aasenso sa daloy ng buhay. May magpapagamit at sa kalaunan ang pagtalikod sa mas mabubuting gawi at pananaw ay siyang tunguhin. Natututo silang pumikit sa maraming mali at tangapin na bahagi ito ng buhay. Ang dating magalang sa kababaihan ay matutuwa sa mala-manikang kababaihan na nagbebenta ng aliw dala ng malupit na kahirapan.

Ang dating nagtatangol sa katarungan ay magiging pikit mata at nilulunok ang kawalang katarungan at matutong magpakain ng pamilya mula sa salapi ng pagnanakaw at panloloko sa kapwa. Ang nabuhay sa prinispyo ay magugutom at ang ilan ay magpapatuloy na manatili sa kanilang simpleng kaligayahan habang ang ilang nagugutom ay unti-unting iiwan ang kanilang mabuting mga gawi.

Ang dating magkakaibigan ay magkakakilala na lamang. Ang mayroon ay mahirap nang lapitan at ang naghihirap ay lumilingon na lamang sa masayang nakaraan.