Sunday, December 21, 2008

Takipsilim ng Kabataan



Takipsilim ng Kabataan – albert banico

Sa isang hindi pankaraniwang okasyon ay nakapanayam ko si Leonor Briones ng UP Diliman. Napag-usapan namin ang kanyang artikulo sa ABS-CBN website na may pamagat na Twilight and Political Vampire.

Parang bibingka at puto bungbong sa simbang gabi o hotcake o kaya ay pandesal sa bakery ang mga librong Twilight, New Moon, Eclipse at Breaking Dawn sa mga bookstore. Pila-pila ang mga teen -ager lalo na iyong nasa kasibulan ng teen age year mula 12 years old pataas. Hiwalay kong tatalakayin ang detalye ng kuwentong bampirang ito sa ibang artikulo bagkus ay isasalaysay ko ang daloy ng usapan naming ni Prof. Briones.

Sa artikulo ni Prof. Briones, inalala niya ang mga kanyang henerasyon na aniya ay nakapanood din ng mga pelikulang Bampira gaya ng kay Christopher Lee at Gary Oldman. Ngunit aniya hindi naman ito kaakit-akit masyado dahil sa madugong istorya nito. Nagsaliksik ako sa internet, sinubukang magpunta sa mga bookstore at pinanuod ko ang pelikulang Twilight na ang sabi ni Ka Domeng ay Takip-silim sa tagalog.

Noong panahon ni Ka Leoning aniya, sa mga dekadang 50’s hanggang 60’s at 70’s, ang pinagkakaguluhan ng mga bata ay mga libro tunkol sa kasaysayan at mga isyung may kinalaman sa paglaban sa Imperyalismong Amerkano. Sa kanyang pagiging estudyante sa Siliman University, sinabi niyang bahagi siya ng henerasyon noon na hinubog ng Katolikong edukasyon at kamalayang panlipunang nag-impluwensiya nito. Pagtuntong niya sa UP Diliman bilang mag-aaral, isyu na ang Vietnam War at mala-rock star si Che Guevarra sa kasikatan na nag-export ng marahas rebolusyon mula Cuba upang ikalat sa buong Timog Amerika laban sa mapagsamantalang ekonomiya ng Kapitalismo. Madaming kuwento nito sa mga librong Edjop ni Pimentel at SDK Revisted na kapwa ngayon mabibili sa mga bookstore.

Natatandaan ko pa ang isang litrato ni Ka Leoning nang siya ay 17 years old lamang. Isa sya mga estudyanteng nakaupo sa taas ng isang bumbero sa kalagitnaan ng tinatawag na First Quarter Storm. Ang bumberong iyon ang aagawin ng mga estudyanteng anti-Marcos at ibubundol sa isang gate ng Malacanang. Nakita ko ang litratong ito sa isang pahayagan mga ilang taon na ang nakakalipas.

Sa ngayon ang mga ganitong pangitain ay bahagi na lamang ng mga alaala. Ang kilusang kabataan sa Pilipinas na humubog ng may kung ilang henerasyon ay naimpluwensiyahan ng pandaigdigang kamalayan at kilusang kabataan na bahagi ng tinatawag na New Left Movement matapos ang ikalwang digmaang pandaigdig. Sinabayan ito mga himagsikang anti-imperyalista at maka-komunistang kilusan sa Tsina, Vietnam at Cuba.

Nagkakaisa ang maraming beterano ng henerasyong ito na nagbago na ang kamalayan ng kabataan. Malayong-malayo ang kultura nila noon at ngayon. Ang kanilang henerasyon ay pagtingin sa kapwa at pagkondena sa sistema samantalang ang kasalukuyan ay pagtangap sa sistema habang iniisip ang sariling pag-unlad. Ang kulturang ito ay mahigit sampung taon na ding namamayagpag lalo sa batang Pinoy.

Noon ayon kay Ka Leoning, ang pangingibang bansa o brain drain ay optional lamang. Maari mong gustuhing umalis, mag-aral o magtrabaho at manirahan sa ibang bansa ngunit may pusong magbalik sa bayan. Ngayon, sa bayang pinagtaksilan ng maraming pangako, ang kabataan ay nag-aaral at pinag-aaral ng kanilang mga magulang sa mga kursong maaring maging daan upang mangibang bansa. May tiyak na layuning magpakalayo-layo ng tuluyan sa bayan. Makipag-sapalaran sapagkat ang mabuting kapalaran sa sariling bansa ay hindi masilayan. Hahanapin nila ito hindi lamang para sa sarili, bagkus kahit ipagpalit ang kanilang mga sarili.

Marahil ito ang kapalaran ng bayang sawi sa tula ni Balagtas na patulang inuulit-ulit noon ng yumaong Senador Raul Roco, isang kandidato sa pag-kapangulo at nagpahayag na siya ang iisang pag-asa ng bayan ngunit sinawing palad.


---------------

Sa pagitan ng pakipot at Torpe – albert banico

Hindi na bago ang kuwento ng mga bampira. Sa internet, ang folklore o kuwentong bayan at kababalaghan sa Pilipinas gaya ng Aswang ay katapat na literatura ng nakaririmarim na nilalang na ito. Sa pagtataya ng maraming saliksik sa literature, natatangi ang Ilocos region na walang binanggit tungkol dito. Mayaman sa ganitong kuwento ang mga pulo sa Visayas lalo ang Capiz, Ilo-ilo at Antique. Katunayan, bago pa dumating ang mga Kastila, popular na kahit noong 16th siglo ang mga kuwento tungkol dito. Nagkaroon pa nga ng Aswang Festival sa isang pook sa Visayas na matinding kinondena ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) kaya ito napahinto.

Kaugnay nito, mabentang-mabenta ang mga librong Twilight, New Moon, Eclipse at Breaking Dawn sa mga bookstore. Pila-pila ang mga teen-ager lalo na iyong nasa kasibulan mula 12 years old pataas. Ang matagumpay na pelikula ay hango sa isang nobelang sumikat sa mga kanluraning bansa at mala-kanluraning bansa gaya ng Pilipinas. Kinababaliwan ito ng mga kabaataan. Pila-pila ang bumibili ng libro. Gayundin. kahon-kahong kopya ang nabibili at ang hindi makabili ay nakikipaghiraman sa kaibigan. Halos P400-500 ang halaga ng bawat isang libro.

Napanuod ko ang pelikulang Twilight na umiikot sa buhay ni Isabelle Swan, isang teenager na nagmula sa isang broken family at may amang abalang abala sa kanyang trabaho. Sa libro, ang kuwento ay naikot sa mga bampirang cute ngunit sa pelikula, sumentro ito kay Bella na nag-iisa at naghahanap ng pagmamahal at kasama sa kanyang magulo at batang buhay. Hindi nakapagtataka na karaniwang babae ang bumibili at nagtitiyagang pumila sa usong libro na mala-Harry Potter ang propaganda at marketing strategy.

Sa unang libro kaklase niya ang bampira na umiiwas sa kanya dahil ayaw niyang mabiktima si Bella. Labag sa tradisyon ng pamilya ng bampirang cute na si Edward na lumapa ng tao bagkus ay mas type nila ang dugo ng mga hayop. Hindi nga lang nila ito niluluto gaya ng mga Pinoy na mahilig sa dinuguan bagkus mas okay sa kanila ang fresh blood of animals. Dahil sa pag-iwas ng cute na bampira at seatmate mismo ni Bella, naintriga ito at lalong lumapit sa bampirang teenager. Ganun naman sa magkakaklase kong crush nila ang isang kaklase, lalapit at lalapit sila habang iiwas kunwari kahit na gusto nila ito at kung sila ay torpe. May pagka-gentleman ang cultured na bampira at mukhang ito ang hinahanap ng kababaihang kabataan.

Ngunit kinondena ito ng feministang manunulat ng Blast Magazine na si Kellan Rice na sexist aniya ang plot ng kuwento at abusive ang kinahinatnan nito dahil naging dependent sa lalaki si Bella at kailangang nandiyan ang poging bampira para protektahan siya sa mga cute ngunit halang at mababangis na teenage vampire at ayaw ng fresh dinuguang hayop.

Naalala ko tuloy ang A Walk to Remember ni Barry Moore na panghigh school din ang tema ngunit sa Twilight series, hinaluan ng mga halimaw na bampira at werewolf na naka-love triangle ni Bella. Sa ikalawang libro o sequel ay naging dalawa ang love interest ni Bella-isang bampirang pakipot at isang torpeng werewolf ngunit protective. Kung tutuusin, lalabas sa buong serye na ang pinaka-agresibo ay si Bella sapagkat sa bandang huling libro, lalabas ang naturalisa nito na bago siya magpakagat kay Edward at maging bampira ay nag-request itong makipagtalik muna sa huli.

Kung tutuusin anti-feminista ang pelikula sapagkat pyudal na pyudal ang estilo ng mga bampirang naglalaban. Ang mga bampirang pakipot at mga garapal na gaya ng kontrabidang si Viktoria ay nagpapangap na Classical ang kanilang life style base sa orihinal na nobelang Dracula ni Bram Stoker noong 1897, 1992 movie at pelikulang Nosferatu noong 1920’s. Ibang-iba sa mga detalyadong vampire series gaya ng pelikulang Underworld na babae ang bida, Blade at Interview with a Vampire noong 1994. Ang mga pelikulang ito ay may habi ng malasakit at pagmamahal sa kapwa lalo na sa kapwa bampira.

Kung ang regalo mong natangap ay nobelang gaya nito o makapanuod ng tungkol sa mga manananggal at, magandang alalahanin ang isang tula ni Rudyad Kipling na may pamagat na The Vampire. Aniya, A fool there was and his goods he spent…some of him lived but the most of him died, even as you and I. Kung gagastos ka, maaring bampira din o mananangal ang binigyan natin ng pera dahil nawalan ka ng buhay at kamalayang makatulong sa iyong pagkatao. Sila ang kumita at ikaw na bumili o gumastos ay naisahan.