Monday, October 19, 2009

Sa mga anak ng Dagat– albert banico

May kung ilang oras ang paglalakbay namin ng aking mga kasama sa baybayin ng San Miguel upang marating ang mga komunidad ng iba’t ibang barangay na nakabase sa pulo.

Ang alon ay tila nagsasalpukan kasama ng hanging habang niyayanig nito ang aming speedboat. Sa banggit ng ilang mga kasama, ang malakas na hampas ng alon ay banayad pa kumpara sa ibang panahon nng taon.

Habang papalayo kami sa pantalan ay tila sumusuko dahil sa kalumaan at panganib para sa mga naglalayag na mga paslit at matatandang may kahinaan na ang katawan, tanaw namin ang mga mangingisdang abala sa pag-ahon ng kanilang mga huling isda.

May ilang minuto bago marating ang bawat pulo at mula sa malayo ay matatanaw ang mga malalaki at mapanganib na daanan ng alon na tila ba lalamunin ang mga pampang ng bayan.

Lalo kung naintindihan ang nakaraan ng aming bayan, kung saan ang mga pamayanan ay payak at sapat na nanahan sa mga pampang ng dagat, ilog o lawa ng bawat pulo ng kapuluan. Ang kapuluan ayon sa pumanaw na pambansang artista ng bayan na si Nick Joaquin at Benito Legarda Jr., bilang mga pook na puno ng tubigan kung kaya’t ang mga balangay na palutang-lutang sa mga pampang na bumubuo sa may 30 hanggang 100 pamilya ay naroroon na namumuhay bago pa dumating ang mga sinasambang relihiyon ng Islam at Katolisismo.

Marahil ito ang binabanggit ng dating Senador Heherson Alvarez at manunulat na si Dr. Domingo Landicho na mga anak ng dagat ang mga katutubo sa kalaunan ay Filipino pagdating ng madugong pananakop ng mga dayuhan at mga himagsikang nangabigo. Ang nakalimutang ugat ng ga pangalan ng bayan, pampang sa Pampanga, asinan sa Pangasinan, agos sa Agusan, ilog ng Taga-ilog at marahil sa lunsod ay Libis sa lunsod Quezon at Parang sa lunsod ng Marikina.

Pawang mga bansag na nagpapahiwatig kung paanong ang dating kinamulatan at kamalayan ng bayan ay unti-unting nakalimutan at dahil sa malawakang sakuna at trahedya ng kawalang pamahalaan sa panahon ng sakuna ay unti unting nagbabalik sa ating malay. Sa nakaambang pagbawi ng dagat kung anu man ang talagang kanya ay tila hindi handa kaming inapo na sa libag ng mga kuko ng aming mga ninuno.

Samantala, ang sentro ng bayan na aming pinuntahan ay parang parang dila sa gitna ng bahaging tubig na sa nakaraang sampung taon ay nakaranas ng pagbaha at nanganganib gaya ng mga pulong aming binisita ay lamunin ng karagatan habang ito ay unti-unting tumataas sa pagbabago ng klima.

Sa isang pulo, sa luob ng sampung taon, sinasabing tatlong ektarya ng lupa ang kinain na ng dagat. Naisip ko habang nakikita ang mga bata sa bawat pulo na naglalaro at nagtatakbuhan paikot sa gitna ng puno ay ang kanilang kinabukasan.

Kung kayat sa aking pagbabalik sa Maynila ay binanggit ko sa mga kawani ng Departamento ng Transportasyon ang halaga at plano para sa paglalakbay sa bahaging tubig o dagat.

Naisip ko ang maraming mga kababayan ko na nananahan sa mga pulo. Ang mangingisdang sinusuong ang dagat at naiipit sa panahong may bagyo sapagkat walang nakapagsasabi sa kanila kung may panganib na parating.

Ang ibang pulo ay tanging paaralan ang naroroon at kung meron man ay walang sapat na gamit. Walang hospital na malapit. Walang gamut o kaukulang pangangailangan upang mabuhay ng sapat. Walang tulong mula sa sentro o kung meron man ay bilang sa daliri ng bawat taon. Walang kuryente o balita at ang natitirang mga lupa na maaring takbuhan nila ay naibenta na sa pribadong pag-aari.

Dito ko rin naunawaan higit ang malawak na kahirapan ng bayan kahit may ika-50 taon nang nakalilipas matapos ang huling malaking pandaigdigang digmaan. Sa masaklap, hanggang kamatayan ang labi ng mahal sa buhay ay kailangang ilibing sa kabilang pampang, at hanggang sa huling sandali ay tatawid ng dagat ang mga mahal sa buhay. Upang matapos ihatid sa huling sandali ay babalik sa mga pulo ng walang katiyakan. At dito, hindi ko batid panu natatangap o nakakatulog ng mahimbing ang mga Obispo ng simbahan o mga tao sa mga institusyon na may maaring gawin upang mapaunlad ang buhay ng aming mga kababayan.

Mula Marikina River hanggang Pasig River - albert banico



Tumatawid ang katubigan mula Lawa ng Laguna tungo sa mga bahagingg tubig ng mga kalapit na bayan gaya ng mga ilog ng Marikina hanggang ilog Pasig upang iluwa sa baybayin ng Maynila at lamunin ng mas malawak na dagat.

Sa mga nagdaang mga delubyo ng bagyong Ondoy at Pepeng, ilang linggong hindi na halos bumababa ang tubig sa kailogan.

Ang dating matulaing ilog ay mistulang nagaalimpuyong agos ng tubig, nangangalit at rumaragasa sa mga walang malay na kabahayan. Kabahayang itinayo sa dugo at pawis ng pagsisikap sa mga mamamayan mula sa iba’t ibang sector at sa isang iglap ay muling binabawi ng kalikasan.

Para bang sinasabing walang mahalaga sa buhay kundi buhay mismo ng mga tao at ang mga gamit sa bahay at iba pang pinundar na material ay walang saysay. Sa nagdaang mga araw, ilang araw din kami ng pamilya ang hindi nakababa ng bahay dahil sa pagbubukas ng dam sa mga karatig pook na nagdulot ng pagbaha sa buong kamaynilaan at sinundan ng katulad na kalagayan sa pagdating ng bagyong Pepeng.

Hindi biro ang mga nasirang imprastraktura gaya ng mga tulay, daan, paaralan, ospital, sasakyan at iba pa gaya ng buhay na mga nangasawi na hindi inaasahan.

Bumaba na nga ang tubig at dahan dahan ay bumabangon ang mga gaya naming naging saksi sa kawalang pamahalaan ng mga oras na iyon. Ngunit ngayon ay parating na naman ang isang bagyo sa ngalang Ramil at habang tinatanaw ko ang ilog Pasig, ang kawalang katiyakan ay patuloy na nagbabadya higit sa mga mamamayang nakatira sa mga pook na malapit sa sakuna.


Pasig River Bank, Manila, Oct. 19, 2009, 5pm