Sunday, April 27, 2008

Maganda ang buhay – albert banico


(lumabas sa Tanod, Abril 27, 2008, Pilipinas)

Sa panahon na limitado ang ating nakikita sa buhay,madali ang mawalan ng pag-asa. Ang ganda ng umaga at mga bagay na libre sa buhay ay tila mahirap unawain.

May mga panahon na kahit ano man gawin ay hindi ka na makangiti. Sa panahon ng pagluluksa, mahirap ang mangarap lalo kung ang mga pangarap na ito ay wala nang kahulugan.

Sa isang bayan na patuloy ang pagtangis ng mga mamamayan sa patuloy na kahirapan dahil sa mataas na bilihin, kuryente, pag-aaral, gamut at pagpapagamot at gayundin ang pagpapalibing, ang pag-asa ay mahirap masumpungan.

Maari kang lumuha. Magmukmok. Mamoblema. Hindi makatulog. Hindi makakain. Hindi umasa at hilingin sa iyong dasal ang huwag nang mabuhay. Sa mga magsasaka sa kanayunan o sa pahinante sa trak sa lunsod, ang pag-inom ng alak ang kanilang hiraman ng lakas ng luob. Duon sa mundo ng kalasingan, nakukuha nilang makapag-salita sa mga lugar na halos mawalan sila ng tinig at maibigkas ang mga nais sabihin sa mundo. Sa tama man at sa madalas ay mali, ang ganitong mga pangyayari ay nakakagisnan ng mga anak.

Sa isipan ng mga bata, ito ay tama at mabuting gawin din nila ang ganitong gawain. Sa katwirang di baling uminom kesa kumain, ang pangarap o magkaruon ng isang libreng pangarap ay isang panaginip.

Ang pagdadasal sa mga rebultong hindi sumasagot sa iyong mga tanung o kahilingan o mga bibliyang maaring mali ang iyong nababatid na katotohanan ay wala na rin silbi. Higit pa ang tamis ng kamatayan sa kanila.

Ganito ang marami sa ating bayan sa kasalukuyan. Sa kabaling banda, patuloy ang paglaban ng marami upang mabuhay sa pinaka-simleng pamamaraan na kanilang makakaya.

Ngunit maganda ang buhay. Libre ang mangarap. Ang hangin ay gayundin na nagbibigay buhay sa atin. Dapat natin itong alagaan, pahalagahan at ingatan. Sa gayung kalagayan, ang bawat buhay ay mahalaga.

Sa panahon na limitado an gating nakikita, ano ang maari pa na mabubuti ang puwedeng maganap sa limitado nating kalagayan. Maaring may mga umagang wala nang halaga ngunit darating ang oras na kailangan mo pa rin na harapin ang bawat umaga. Hindi maaring patuloy an gating pagluluksa, kailangang magpatuloy an gating buhay.

Nauunawaan ko ang marami kong kababayan o kanayon duon sa aming poblacion na mula umaga hanggang gabi ay alak ang kanilang kanlungan. Ngunit kailangang mangarap, magpatuloy sa pnanalig at gayundin ang umibig.

Kailangan natin na pahalagahan ang ating mga sarili. Alagaan ang ating katawan sa pagkain at sa pagtulog upang lalo tayong makapaglinkod sa ating mga mahal sa buhay at sa ating nais pang mapaglinkuran. Sa panahon ng lunkot, mabuting silayan ang mga bituin, ang buwan sa kalawakan o ang ngiti ng isang sangol na lumalaban sa buhay.