Friday, July 25, 2008

Mula Bayanihan hanggang Akyat–Bahay? – albert banico


Dalawang puwersa ang naglalaban sa ating bayan sa kasalukuyan –ang kabayanihan at ang pangungulimbat.

Sa biglang tingin, natalo na ang kultura ng kabayanihan. Ito ay sinisimbolo ng sambayanang nagsasama-sama duon sa una at tunay na EDSA o sa mga ilang liblib na lalawigan na nagtutulungan ang magkakapit-bahay upang buhatin at ilipat ang isang bahay-kubo na kung tawagin natin ay bayanihan.

Sa kasaysayan, sinasabi ni Gregorio Zaide na ang mga mananakop na Kastila may tinawag na isla de Landronez o pulo ng mga pirata sa kapuluan ng Pilipinas. Sa kanta na isinulat ng yumaong kompositor na si Saro Banarez sinasabi raw na ayon sa nakaraan at kasulatan ay may lahi raw magnanakaw ang mga Pilipino at ito ay mula pa sa sinauna at umabot sa kanilang panahon. Ang magnanakaw daw ay maaring nagnanakaw ng oras, pawis, galing at minsan pati lakas ng iba.
Kung ang ating bayan ay isang nasusunog na bahay, dalawang karakter ang magiging tendensiya. Isang tutulong at isang magsasamantala, ganito ang nangyayari sa mga ulat sa telebisyon na nagbabalita tungkol sa mga nasusunog na komunidad.

Kaugnay nito, ang ating bayan ay naghahanap ng bagong bayani at kung pag-iisipan itinulak natin ang ating mga kababayan na magtungo sa ibang bansa upang maghanap-buhay at iwan ang kanilang mga mahal sa buhay upang maging mga bagong martir at bayani ng bagong panahon.


Hindi ba’t halos ganito rin ang paglalarawan sa imahe ng puwersahang pagtratrabaho sa patakarang polo ng mga Kastila. Sa imahe ng bayanihan na nakita ko sa isang libro, hindi kabayanihan o bayanihan ang aking naalala kundi ang penomena o realidad ng mga akyat-bahay. Nauso ang terminong akyat bahay may dalawang dekada na rin ang nakakalipas. Ang akyat-bahay ay nausong termino na pinasikat ng mga tabloid at balitang dala matapos ang unang EDSA. To ay isang sindikato na ang istilo ay pag-akyat sa may bahay ng may bahay sa pamamagitan ng pagpasok sa bintana upang itali ang mga nakatira dito at pagnakawan. Imahe ito ng kawalang takot sa awtoridad at pag-galang sa kapwa at kababayan.

Sa mananaliksik gaya nila Landa Jocano, Andres at Mina Ramirez, ang sentro ng pandamang Pilipino ay ang konsepto ng luob. Ang kaluoban ng Diyos, ang pagbukas ng kaluoban, ang pagwaksi sa masamang luob at pagyakap sa mabuting luob. Ang bayanihan ay kusang luob na pagtulong at ang akyat bahay ay signos ng masasamang luob. Partikular tayo sa niluluob ng Diyos at sa kaluoban ng ating kapwa’t kababayan.

Ngunit ang bayanihan ay unti-unting nawawala. Ang konsepto ng kusang luob (volunteerism) ay napapalitan na ng pakitang tao na tanging pampalubag-luob lamang. Ang dating nasa luoban ay niluluoban at ang dating may saplot ay wala nang panluob.

Ang kultura ng akyat-bahay nga ba ay ang bagong mga landronez o pirata? Ang bayanihan nga ba sa ngayon ay pampalubag-luob lamang upang sabihing walang iwanan at pagkatapos ay atin rin silang luluoban. Sa batang bayani at tunay na katipunero na katulad ni Emilio Jacinto, tinatawag niya itong liwanag at dilim. Bayanaihan o akyat-bahay? Mamili tayo ng ating bukas!