Saturday, April 18, 2009

Dalawang mukha ng pamahalaan - albert banico

Sa dami ng balitang hindi maganda tungkol sa pamahalaan, naging impresyon na ang lahat ng nagaganap sa pamahalaan ay pawang masasama.

Marahil ang obserbasyon at impresyong ito ay pandaigdigan at hindi ito limitadong pagtingin sa ating pamahalaan sa maraming panahon.

Sa kasamaan o kabutihang palad, maraming mabubuting tao at dedikadong empleyado o lider o taong pamahalaan mula sa pambansa, lokal at komunidad na organisasyon ng pampulitikang institusyong ito ang nagsisikap at nagbibigay ng kanilang buhay, panahon at talento sa abot ng kanilang limitadong kakayanan.

Madami ding magagandang programa na hindi batid ng maraming mamamayan dahil hindi naaabot ng karamihan ang mga serbisyong para talaga sa kanila.

Sa dalawang mukha ng pamahalaan, dapat makita ang tunay na serbisyong pampubliko at mga serbisyong pakitang tao lamang. Sa mga pagkakataon na ang mga programang pakitang tao lamang, may mga oportunidad at espasyo sa mga ito na maaring direksiyunan patungo sa mga seryosong direksyon upang mapaglinkuran ang maliliit at tunay na nangangailangan.

Ang mga mabubuting bahagi ng pamahalaan at mga puwersa sa loob ng mga organisasyong ito ang kailangan makita ng mga nawalan na ng pag-asa sa pamahalaan. Kailangan ng mga taong magtutulungan sa luob ng pamahalaan upang sa bandang huli ang gawaing pakitang tao ng mga TRAPO at pakitang tao para lamang sa pagkuha ng simpatiya ng boto at tao ay mas maging makahulugan na sa bandang huli ang maliliit, kapos at mga walang boses sa lipunan ang higit na magwagi at makinabang.