Friday, January 18, 2008

From ralph anderson rojas

ralph anderson rojas wrote

Re: [Sangguniang_Kabataan] New SK Image

Sangguniang Kabataan has different images in different parts of the country because there are still SKs who are responsible to their mandates and try to implement changes in their communities.

I have just observed that one reason why SK becomes ineffective is because a lot of SK Officials specially presidents are not truly motivated to lead but were just elected for political reasons. They won because of the politicians who supported them, oftentimes their parents or relatives, because they have the resources - money and power. For this reason, they cannot really represent the aspirations of the youth but they are always dictated and only serve as political instruments of their supporters.

I mean it is hard to lead when you really don't know your purpose...

Monday, January 14, 2008

TANOD SERIES – 9 Filipino Dream

(Ang TANOD SERIES ay mga bahagi lamang sa mga artikulong sinulat ni albert banico sa TANOD dyaryo ng Bayan noong 2007. Ang bahaging ito ay tungkol sa mga pangarap ng pinoy base sa mga pakikipagusap at panayam sa mga ordinaryong tao sa lipunan. Ang nauunang artikulo ay bahagi ng isang diskusyon sa klase sa San Beda tungkol sa mga hangarin ng Pinoy)


Pangarap ng Pinoy


Nakakalibang ang “jingle” at propaganda ng mga kandidato na nagsasalamin aniya sa nais ng mga botante lalo na ang isang hango sa awiting rap ni Francis M na may pamagat na “Ito ang Gusto Ko.”

Kumpara sa American Dream, kaiba ang Pinoy dahil nais niya na kabahagi ang pamilya. Sa American dream, ang maging malaya sa paghahanap-buhay, magtagumpay sa mga pagsubok at matikman ang bunga ng pagsisikap ay maliwanag. Sa isang panimulang pag-aaral ng aking mga estudyante makikita ang pangarap ng karaniwang masa o ang Filipino Dream.

Sa panayam, mula sa sales lady, jeepney at pedicab driver, boy, janitress, store owner, house keeper, electrician, mananahi. hanggang sa isang Lawyer, propesor, call center agent at street vendor ay masasalamin ang Filipino Dream - simpleng buhay at matiwasay na pamilya sa kanyang sariling bahay at nangangahulugan ito ng disenteng trabaho sa loob ng Pilipinas. Kaya kung tutuusin, ang pagkakahiwalay ng anak sa magulang o asawa o kapatid na OFW sa minamahal ay pagwasak sa simpleng Filipino Dream.

Kadalasan, binabanggit ng mga nakapanayam na salat sila sa pera at mahalaga ang pera at ito ay katumbas ng pagkain, hanap-buhay at kapasidad na makapag-aral, makabili ng kanyang gusto at makapag-lakbay. Sa telebisyon, intersante ang pagtangkilik ng mga manunuod sa Star Struck, Pinoy Dream Academy, Pinoy Big Brother, Wawawi at Star Circle. Litaw ang mga aspirasyun ng masang Pinoy –makaangat sa buhay, tulungan ang pamilya at kung palarin ay maging “instant” yaman at popular.

Dahilan kaya ito kung bakit marami sa mga wala ang halos sambahin ang mga may-roon? O kaya naman ay natural na ang pagnanais na magkaroon ng madaming pera ay dala ng kawalan? Paano ipapaliwanag ang mayaman o ang isang karaniwang tao na gamitin ang katayuan sa buhay o kasamaan gaya panlalamang upang magkamal ng salapi kahit na makatapak at maghirap ang kapwa o kababayan. Ito kaya ay tendensiyang Pinoy o sa gawaing hindi tao.

Nais ng bawat Pinoy sa panayam, ang isang mabuting lider sa isang mapayapa at maunlad na bansa, pero wala silang tiwala sa mga politiko. Sa pananaw ng mgaestudyante ko sa pangkalahatan, simple ang pinoy, - makakain 3 beses 1 araw, dagdag na kita at higit mag-abroad o mangibang bansa.

Sa bagong SWS survey, patuloy na lumalawak ang nakakaranas ng pagkagutom. Sabi nga ng isang Tol, mahal ang pechay at tinapay na walang cheese dahil hindi sapat ang sipag at tiyaga, walang amigo, tito o taong aasahan.

Sa pangarap ng Pinoy ang saligan nila ay hindi pulitiko kundi tiwala sa sarili, paglaban sa pag-subok, pananalig, pagkios at karanasan sa miserableng buhay


51 Pinoy, nakidnap patungong Iraq

Bawal na ang pagtungo ng sino mang manggagawang Pinoy patungong Iraq. Kaugnay ito ng pagatras ng Pilipinas sa utos ni Pangulong GMA sa mga sundalong ipinadala noon ng bansa bilang suporta sa Estados Unidos.

Humihingi ng tulong ang ilang kamag-anakan ng may 51 Pilipino na di umano’y sapilitang dinala sa naglalagablab na bayan ng Iraq.

Sa ulat ni Nichola Smith na may pamagat na “Kidnapped Filipino to build US Embassy” na nalathala sa Times on line, Sunday Times sa London noong Agosto 5, idinetalye ang kabahag-habag na kalagayan ngayon ng mga mangagawang Pinoy na nakabase ngayon sa Green Zone sa Baghdad.

Ang Green Zone ay isang guwardiyadong pook sa loob ng Baghdad na sinasabing hindi kayang pasukin ng mga militanteng Iraqis. Iniulat kamakailan na dalawang suicide car bomb ang sumira sa pananaw na ito matapos ang pagsalakay ng mga militanteng rebelde sa Amerkano.

Noong isang lingo, nagkaroon ng pagdinig sa US House of Representatives at inuulat ni Roy Mayberry, isang emergency medical technician na totoo ang balitang may 51 Pilipino ang pinuslit at kinidnap mula sa Kuwait upang magtayo ng bagong gusali ng US Embassy.

Ang batid ng mga Pilipino ay patungo sila noong Mayo 2006 sa Dubai upang magtrabaho at magtayo ng isang gusaling Hotel. May 10 minuto lamang ang pagitan bago nabatid ng mga Pilipino na sila ay lilipad patungo sa Baghdad at nang kanilang malaman ay kaagad silang nagreklamo at nagsigawan.

Ayon sa testimonya ni Mayberry, isang security guard ng First Kuwait General Trading and Contracting Company na pangunahing kompanyang namamahala sa nasabing proyekto,. ang nagwasiwas ng kanyang sub-machine gun. Dito nabatid ng mga Pinoy na wala na silang magagawa at wala silang kalaban-laban.

Ang testimonya ay sinuportahan ni John Owens, isang eksperto sa arkitektura at may karanasan sa nasabing proyekto na layuning magtayo sa gusali ng US Embassy sa Iraq. Kinausap niya ang First Kuwaiti manager ngunit sinabihan siyang tumahimik sapagkat kapag nalaman ng Kuwaiti Airport Authorities ang nagaganap ay tiyak na pipigilan ang mga Pinoy. Walang nagawa si Owens at sinabi niya pa na ganap ang abusing ginagawa sa mga manggagawang Pinoy sa Iraq na walang sapat na safety measures. Sapat ang impormasyon upang kumilos ang pamahalaan upang tukuyin ang tunay na kalagayan ng mga Pinoy sa Iraq at manawagan sa pamahalaan ng Amerika. Samantala, humihingi ng tulong ang mga kaanak ng mga nasabing Pinoy na ngayon ay mistulang alipin sa luob ng Iraq.


Gamo-gamo sa Syudad


Katulad ng Payatas sa Lungsod ng Quezon, ang Parola sa Tondo, Maynila ay isa sa maituturing na ghetto sa Metro Manila. Sa ibang bayan, ang mga ghetto‘y pook kung saan nakahiwalay ang mga nakatira sa mas maunlad na komunidad. Binubuo sila ng mga iniiwanan ng lipunan, hindi nakapag-aral, matanda, may sakit, batang palaboy at mga pamilyang walang kabuhayan. Sa ating bansa, ang mga ginigibang mga barong-barong o sadyang sinusunog na mga bahay ay maituturing na ghetto.

Matatagpuan sa mga riles ng tren, sa tabing kalye, sa mga sulok-sulok, mga abandonadong lupa, sa likod ng malalaking gusali, sa maliit na kariton, sa ilalim ng tulay o sa mga gilid ng estero kung saan ang pagligo kung minsan ay maituturing na isang luho. Marumi ang paligid, walang ligats at malinis na tubig na inumin at kadalasan ay walang lehitimong kuryente. Ang mga bahay ay tila kuwadra na para lamang sa mga ibon at iba pang hayop ngunit palasyo para sa mga taong nakatira. Gayunpaman marami ang nagsisikap sa buhay slum at nananatiling marangal sa gitna ng mga tukso ng bisyo, sugal at kriminalidad.

Ang buhay mahirap gaya ng pamumulot ng basura at pagkain sa basurahan ay tila mahahalintulad sa buhay mangangaso ng sinaunang panahon. Ang pira-pirasonng kahoy, tagpi-tagping tabla na pinatungan ng yero ay kahalintulad sa sinaunang bahay-kubo. Ang paglalakad sa kalye na walang damit pang-itaas o paliligo sa kalye sa tulong ng mga umaapaw na tubo ng tubig ng Maynilad ay tila sapa sa gitna ng kagubatan. Sa ganitong uri ng pamumuhay, ang syudad ay tila isang malaking gubat na hinahati sa pagitan ng sibilisado at barbaro.

Sa mataas na palapag ng isang Hotel, higit kung umaga ay mainam na panuorin ang baybayin ng Look ng Maynila kasama ng Rizal Park, US Embassy at ang Pier. Ngunit malapit sa Pier ay isang kolonya ng mga barung-barong na bahay sa baybayin ng Maynila. At sa gabi, habang ang ilan sa atin ay nagkakasiyahan sa Bay Walk at mga gimikan sa Malate, masusumpungan ang mga taong natutulog sa kahabaan ng Roxas Boulevard mula sa Rizal Park hanggang CCP Complex. Mga taong natutulog sa kalye o namamalimos tulad ng iba pang namumulot ng basura at nabubusog sa pinagtirahan ng ating kinain at iba naman ay kuntento na sa pagsinghot ng nakaplastik na rugby.

Nitong unang tatlong buwan ng taon, ilang kolonya ng iskuwater ang giniba sa kahabaan ng Araneta Avenue sa Lunsod Quezon. Nitong Marso, giniba din ang mga barung-barong sa panulukan ng Araneta at E. Rodriguez ngunit walang kamuwang-muwang ang mga paslit na naglalaro sa gitna ng mga pira-pirasong yero at nabubulok na kahoy.

Tuwing gabi kung magagawi ka naman sa Antipolo, matatanaw ang mga ilaw ng Metro Manila. Nakakasilaw ang magandang tanawing ito sa mga taga-probinsiya. Naalala ko tuloy ang kuwento tungkol sa gamu-gamu. Nasunog ito dahil nasilaw sa liwanag ng apoy. Katulad ng gamu-gamo, ang mga taga-probinsiya at mga tao ay madalas masilaw sa iba’t ibang liwanag.

Kung pauunlarin sana ang mga probinsiya, hindi na kailangang lumuwas ang mga estudyante o mga mangagawa patungong Maynila. Ngunit nakakaakit ang mga liwanag sa lungsod at madilim ang buhay sa mga liblib na probinsiya. Hindi nila alam na ang liwanag na nakikita sa syudad ang dahan-dahan na papatay sa kanila.


Samang lulupig

Minsan sa unang araw ng pasukan ng klase ko sa kasaysayan, sinubukan ko na pasulatin sa mga estudyante ang Lupang Hinirang, ang pambansang awit ng Pilipinas.

Nagulat ang mga estudyante sa pagaakalang batid na nila ang bawat linya ng pambansang awit. Nasabi ko sa kanila na ito ang pinakasimpleng batayan sa pag-aaral ng kasaysayan sapagkat ang kasaysayan nito ay isinulat sa dugo, pawis at buhay ng maraming katutubong indio noong panahon na ang bayan ay lumalaban sa kasamaan ng mga Kastila.

Narito ang ilan linya: Bayang magilin, sa halip na Bayang magiliw. Samang lulupig, sa halip na sa manlulupig. Ang bituin at araw na kalian pa may di magnining-ning, sa halip na di magdidilim.

Iba-iba ang nagsulat ng mga linyang ito kaya nakakagulat na sa luob ng 16 taon na pag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo ay hindi pa rin nila kabisado ang pambansang awit na nais na ngang palita ng ibang mga kompositor.

Narito pa ang ilan: Sa dibdib mo’y tula, sa halip na sa dagat at bundok. May dilag ang tula at awit na may nagniningning, sa halip na awit sa paglayang minamahal.

Ang tuloy-tuloy na pagsulat sa mga linya ng awit at kawalang impormasyon kung saan ang pagitan ng bawat linya ay malimit din nagpagkakamali ng mga bata.

Katulad ng pagkakamali sa pag-awit ng sikat na mangaawit na kabataan na si Christian Bautista, malimit rin mag-short cut ang mga estudyante na nasa kalagitnaan pa lamang ng linya ay pagsambit agad sa ang mamatay ng dahil sa iyo ang isinusunod.

Matapos ang gawaing ito ay napatawa at nalungkot gayundin napahiya sa kanilang mga sarili ang mga bata sapagkat napaka-simple ng gawain ngunit hindi nila akalaing hindi nila kilala ang kanilang sarili bilang Pilipino.

Ganito ang malungkot na karanasan ng ating bayan na walang iba kundi ang pagkalimot sa ating kasaysayan, tradisyon, kultura at kinagisnan. Gayundin, ang paglimot sa mga simbolo ng bayan at mga nagawa ng mga bayani. Ito ang ma-samang lulupig sa ating kamalayan bilang isang bansa.

Sa katunayan, hindi natin puwedeng baguhin ang hindi natin nalalaman. Sa kabilang banda, kahanga-hanga ang ginawa ni Christian Bautista na matapos magkamali sa harapan ng publiko ay natutong humingi ng tawad at umamin sa pagkakamali.

Ito ay isang mabuting senyales ng kabataan. Mga katangian na pagpapakumbaba at pag-amin sa sala, bagay na wala sa ating mga lider sa bawat bayan at probinsiya.


Noong Sanggol pa si Magdalena


Noong nakatira pa ako sa lunsod ng Quezon, pankaraniwang tanawin na kapag dumidilim sa kahabaan ng Qeuzon Avenue ang mga nagkalat na babae mula sa iba’t ibang edad.
Kaalinsabay nila ang mga kumukutitap na mga establisamento na karaniwan rin ang kinakalakal ay mga modelong babae at pawing kalalakihan ang pangunahing parokyano.

Noong ako ay nagpuntang Bikol sa probinsiya ng Albay, isang reporter ang nagsabi sa amin na duon mismo sa harapan ng kapitolyo sa syudad ng Legaspi hanggang sa Domestic Airport road ay may kahalintulad na eksena.

Ito ay tipikal na sa lahat ng syudad, mula sa syudad ng Davao kung saan napabalita noong mga elementarya pa lamang ay nasasabak na sa ganitong gawain hanggang sa lunsod ng Angeles Sa Pampanga, sa Burnham Park sa Baguio, sa lunsod Pasay, Pasig hanggang sa Maynila at Caloocan.

Ayon sa isang pag-aaral hindi lahat ng pumapasok sa ganitong gawain ay nangangailangan ng pera. Ang iba sa kanila ay dala ng nakagawiang gawain, hindi nakapag-aral mula elementarya at walang alam na trabaho, mga nais ng biglaang malaking pera at ang iba naman ay naging biktima ng white slavery sa kalaunan ay hindi na makabangon sa ganitong gawain.

Ayon sa Functionalist view sa sosyolohiya, ang ganitong hanapbuhay na singtanda halos na rin ng bibliya o higit pa marahil ay nagbibigay ng gamit at halaga sa lipunan. Ayon sa teoryang ito, ang mga prostitute ay nagbibigay ng pagkakataon at oportunidad sa kakaibang relasyon na hindi puwedeng ibigay ng lehitimong pakikipagrelasyon sa lipunan sa pagitan ng babae at lalaki. Naibibigay nito ang pangangailangan ng isang tao, lalaki man, babae, bakla o tomboy na hindi nakapaluob sa relasyon ng buhay mag-asawa.

Isang teoryang marahil ay kumukunsinti sa ganitong industriya na hindi lehitimo ngunit patuloy na tinatangkilik ng lipunan. Sa kabilang obserbasyon, lumalabas na lumalawak ang prostitusyon sa bansa, bunga ng mga white slavery syndicate na kadalasang nanghihikayat ng mga gustong magtrabaho sa probinsiya bilang katulong ngunit pagbebenta pala ng aliw ang patutunguhan.

Ang dating gatas sa labi ng mga taong ito ay hidni na lamang gatas kundi sari-saring karanasang nagdudulot upang sila ay mawalan na ng pakiramdam, tiwala sa kapwa, tiwala sa sarili at tanggapin na hanggang duon na lamang ang kanilang buhay. Walang silbi ang makapag-aral pa, ang mabuhay ng normal tulad ng ibang tao higit kung wala nang bigas sa kaldero, gatas ang sariling anak o matrikula ng batang kapatid. Mga bagay na hindi nababatid ng sariling pamilya na ang alam ay nagtratrabaho ang kanilang kaanak sa isang disenteng hanap-buhay.

Naisip ko tuloy na noong mga sanggol pa ang mga babae o lalaking ito na nagbebenta ng aliw, noong sanggol pa sila Magdalena, ang karamihan sa kanila marahil ay inalagaan ng husto ng kanilang mga magulang. Ang mga sanggol na ito ay kinukumutan, pinupunasan ng pawis, pinipili ang kakanin, hindi pinapadapuan ng lamok, kinakarga, inaawitan at inuugoy sa saliw ng marahang awit, yakap, halik at pagmamahal na sa paglaki ay bababuyin lamang ng lipunan.

TANOD SERIES – 5 Karapatan ng bata ang maglaro

(ang sumusunod ay ilan sa mga artikulo hinggil sa mga musmos na isinulat ni albert banico at lumabas sa Tanod Dyaryo ng Bayan)


Bakit tumatakas ang mga bata sa Boys Town


Ang mga Boys Town sa iba’t ibang panig ng bansa, gaya ng mga matatagpuan sa Makati, Maynila at Marikina ay inaasahang kanlungan ng mga batang palaboy sa lansangan, ulila sa magulang, nasadlak sa maliit na krimen at bilanguan. Ngunit, sa kuwento ng dalawang bata hindi ito ang kanilang karanasan.

Isang tanghali habang ako ay malapit sa Bay Walk, Roxas Boulevard sa Maynila ay nilapitan ako ng dalawang batang palaboy na masasabi ring mga binatilyo. Sila ay si Roni, edad 10 at Alvin, edad 12 na kapwa marungis, nakayapak at palaboy sa nasabing paligid. Noong una ay hindi ko sana sila papansinin ngunit nang sinubukan kong pauwiin sila ay binanggit ng mga bata duon sila nakatira. Palaboy sa paligid ng Malate at kapwa tumakas sa kamay ng Boys Town.

Ang konsepto ng Boys Town para sa mga kaso ng Juvenille Deliquency o mga kabataang naliligaw ng landas at nangangailangan ng atensiyon ay isang konsepto hango sa teorya sa sosyolohiya ni Emile Durkeheim kung saan ang mga tao o bahagi ng lipunan na nagiging pabigat at hindi makatugon sa mga layunin at tungkulin ng sosyodad ay inlalagay sa mga institusyong muling magsasanay sa kanila upang makabalik at makatugon sa pangangailangan ng komunidad.

Kasama rito ang pangangalaga sa kanilang pisikal at pankalusugang pangangailangan upang maging kapaki-pakinabang ang mga tao sa buhay ng lipunan. Ang mga institusyon gaya ng mga rehabilitation center, gayundin ang mga selda, Mental Hospital, Correctional at mga Boys Town ay bahagi ng ganitong pananaw ni Durkheim.

Subalit ang kuwento ni Roni at Alvin ay naglalarawan ng mga Boys Town na imbis na mapag-aruga ay malupit at mabangis. Ayon sa dalawang bata, sa lluob ng Boys Town, may mga bata na galing sa mga selda na nakagawa ng krimen ang inihahalo sa mga batang sadyang palaboy lamang o kaya naman ay mga ulila lamang. Ang mga batang matatapang ay nananakit at animo ay “mga munting maton” na ginagawang taga-masahe ang mga batang bagong salta sa Boys Town.

Kapag wala namang bantay, ang mga bagong dating na bata ay niabatukbatukan lamang ng ibang bata at ang mga bantay naman ay nanghahataw ng kahoy o batuta sa likod at iba pang part eng katawan ng bata bilang pagdidisiplina.May mga silid rin na animo ay selda sapagkat puno ito ng rehas. Ang ganitong uri ng rehabilitasyon sa mga bata sa lansangan ay malaking paglabag sa karapatan ng mga bata.

Hindi pa kabilang rito ang maliit na pondo ng mga Boys Town na nagiging dahilan kung bakit salat ang pagkain ng mga bata. Ang karamihan rin dito ay may mga galis at iba pang sakit sa balat at siksikan ang higaan sa gabi. Kinakatakutan rin ng mga bata ang DSWD kung saan aniya na kapag ito na mismo ang kumuha sa kanila ay tila mga bilanggo sila sa mundo.

Hindi ito ang unang karanasan ko sa mga bata ng Boys Town. Noong 2002, isang pipi na aking tinuturuan sa St. Mary Academy ang tumakas rin sa Boys Town ng Maynila. Noong 1993, kasama ng konseho ng mag-aaral ng Lyceum, nagtungo kami sa isang Boys Town sa Marikina at duon nakita ko ang kahabag-habag na kalagayan ng mga batang ginagalis at sabik na sabik sa pagmamahal ng isang kapatid at magulang. Hinawakan nila ang aming kamay at tinanung kong kami ba ang kanilang “kuya.”

Ang Yakap sa Musmos ay Mahalaga

Sa isang tahanan sa kalye ng Tayuman sa Maynila, matatagpuan ang isang kanlungan hindi lamang para sa mga ulila at iniwan ng mga magulang kundi ng mga batang mongoloid at pinangangasiwaan ng mga madre ng Sister’s of Charity, isang grupong itinatag sa pangunguna nuon ng santang si Mother Theresa ng Calcutta, India.

Ang nasabing tahanan ay bukas sa mga taong may panahon at maaring tumulong sa mga batang nangangailangan hindi lamang ng suporta sa kanilang pagkain, gatas at damit kundi higit sa lahat ay ang pag-aaruga sa mga bata kahit ito ay ilang minuto o oras man lamang.

Ang konsepto ng pook na ito ay isang bukas na pinto sa sino mang may interes at pusong nagnanais mag-aruga, kumarga at yumakap sa mga batang hindi lamang may kapansanan kundi inulila rin ng pagkakataon. Karamihan sa mga bata bukod sa mongoloid ay hindi normal ang pangangatawan. Ang marami sa kanila kundi mga sanggol lamang ay nasa maagang yugto ng kanilang kamusmusan.

Hinahanap nila ang yakap ng isang ina, kapatid at magulang. Bawat bisita ay inaanyahang ibahagi ang kanilang sarili upang yakapin ang mga sanggol. Kulang ang mga madre na nag-alaga sa kanila dahil sa napakarami ng bata na naruruon. Ang madre naman ay payak at simpleng namumuhay kumpara sa ibang grupo ng mga madre. Sa pook na iyon, ang mga madre ay walang air con, magarang sasakyan ay pawing naka-tsinelas lamang.

Ang pagkakataong ibinibigay ng mga sanggol at bata sa pook na ito ay pagmumulat sa atin higit sa bilang mga kapatid sa mga nakakabata at magulang sa mga anak na bigyang panahon ang mga bata. Matutunan natin silang yakapin sapagkat ang pagyakap sa kanila ay hindi lamang pagpaparamdam n gating pagmamahal kundi pagpapaunawa na sila bilang bata o sanggol ay hindi nag-iisa sa mundo.

Ang gating yakap ay nagbibigay sa kanila ng mensahe na may nagmamalasakit sa kanila at ganitong paraan ay natutunan nila sa kanilang paglaki na maging masigla, matapang at may tiwala sa kanilang kakayanan at sarili.

Sa kabilang banda, hindi ito ang karanasan ng mga ulila sa kalye at sa mga bahay ampunan. Maraming bata ang nabubuhay sa takot, kalungkutan at kawalang tiwala sa sarili. Kung bibigyan natin sila ng ibayong panahon, masasagip natin ang mga bata na sa paglaki ay maaring maging mas mabubuting mamamayan at lider kaysa sa atin.

Minsan raw lang maging bata at sa mga normal na bata ay hayaan nating maramdaman na nuong sila ay bata pa, naramdaman nila na sila ay minahal at niyakap ng buong pagmamahal. Sa kanilang paglaki, ang yakap ng pagmamahal na iniukol natin sa kanila ay ipapasa nila sa mga batang darating sa ating lipunan at ang pagmamalasakit sa kapwa ay magpapatuloy sa bawat panahon. Kung ang maiikling panahon na inilalagi natin sa mga pasugalan, pagwawaldas ng salapi sa bisyo at labis na paggastos ay iniuukol natin sa mga batang ito, malaking bahagi sa suliranin ng bayan ang ating natutulungan.

Ito ay simple at hindi magarbong pagtulong. Dalawin natin ang mga batang ito. Sila ay matatagpuan sa Mission of Charity, paglagpas ng Abad Santos Avenue sa kahabaaan ng Tayuman patungo sa Tondo, Maynila.


Ang mga musmos bilang guro


Sa awitin ng Asin na Masdan mo ang mga bata, inilalarawan ang kakayanang ng mga bata na magturo ng mga bagay na hindi maaaring matutunan mula sa paaralan at sa matatanda.

Ang awit ay isang imbitasyon kung tayo ay nalulungkot, kung ang pag-iisip ay nagugulo sa buhay ng tao at sa takbo ng buhay mo, sa lahat mayaman o mahirap, sa lahat ng nahihirapan o kahit duon sa mga walang pakialam sa mundo, na pagmasdan ang mga bata.

Ang tema ng awitin ay katulad rin ng natuklasang konsepto at ideya ni Maria Montessori kung saan ang kanyang itinayong eskuwelahan ay hindi niya tinawag na paaralan o preparatory center o kindergarten ( na hindi italyano ang pinagmulan kundi Aleman o German) kundi isang tahanang pambata. Sa tahanang ito na may makukulay na guhit, larawan at pinta na naayon sa kamalayan ng mga musmos ay itinuturing na guro ang mga bata.

Bilang guro, ang mga bata mula 3 hanggang 6 taon gulang ay hinahayaang matutunan ang pagbibilang, pagsusulat at buhay sa makasining at siyentipikong pamamaraan. Pinaglalaro ang mga bata sa isang kontroladong kapaligiran hindi para kontrolin ng mga matatanda kundi upang maging malaya sa kanilang kamusmusan habang natututunan ang mabubuting paraan ng lipunan.

Sa isang reflection ko nuon sa graduate school tungkol sa konsepto ng sosyolohiya at kapangyarihan, napansin ko rin na ang mga bata at kahit ang mga sanggol ay mga kakayanang mangibabaw sa mga matatanda ng walang ginagamit na rasyunal na katwiran. Walang katwirang pinag-uusapan o pinag-iisipan kundi kusa tayong kumikilos ayonsa kagustuhan ng mga bata higit ng mga sanggol.

Halimbawa, ang mga sanggol ay kayang pasayahin ang nanahimik na mga matatanda o pagalawin ang isang grupo ng mga matanda sa kanyang simpleng paggalaw o pag-iyak na hindi nagsasalita bagkus sa simpleng pagbukas ng palad, pagtitig sa ating mga mata, pag-ngiti, pag-tugon sa ating mensahe at pag ayun sa ating mga senyales na kung pag-isisipan ay mahahalagang bahagi n gating mga sarili at pagiging matinung tao. (Nasabi kung matinu sapagkat may mga tao na hindi ginagamit ang kanilang katinuan kung minsan at may mga taon rin na wala sa katinuan).

Sa awit ng asin, iniimbitahan tayo na masdan ang mga tawanan ng mga bata kung tayo ay nabibigo at nalulungkot. Pag-isipan ang mga simpleng mensaheng dala ng mga bata sa mundo pina-kumplikado ng siyensa habang may mas simpleng siyensa pala ang buhay at kalikasan.

Naalala pa ba natin ng tayo ay mga musmos pa kung saan naglalaro tayo sa ulanan at napaka-positibo pa n gating pananaw sa buhay? Ang mga bagay na ito ay lumilipas sa pagdaan ng panahon. Sa pagdami ng mga mabuti at masamang karanasan gayundin ng maraming kabiguan at mga pangarap na hindi natutupad, ang maliwanag na pananaw sa buhay ay nagdidilim.

Ang dati rating pamamaraan ng katapatan, pagiging masiyahin at mga bagay na simple ay ating nakakaligtaan. Sa ating pagnanais na mapabuti ang buhay matapos ang maraming pagkabigo ay natututo ang bata na mandaya, tumatanda ang bata na marunong matakot at magsinungaling at sa pagtanda ng bata ay hindi na ito marunong magsisisi, magpatawad, humingi ng tawad at magpatawad sa sarili. Muli nating masdan ang mga bata sa paligid.

Karapatan ng bata ang maglaro

Minsan lamang ang maging bata. Sa pagdaan ng panahon, patuloy tayo na tumatanda. Parang puno na dating matatayog ngunit sa pagdaan ng panahon ay kumukulubot ang mga sanga at nalalagas ang mga dahon.

Naalala ko isang umaga sa isang maliit na tindahan, may isang musmos na sa tingin ko ay nasa limang taon gulang lamang ang bumili ng mainit na tubig dahil sa wala silang tubig at kalan para magpainit ng tubig. Ang bata iyon ay simbolo ng kahirapan na nararanasan ng maraming bata.

Nuon nasabi na natin na ang itinuturin na bata sa bansa ay silang nasa edad na 17 pababa. Ang mga batang ito ay kinikilalang may karapatan hindi lamang bilang tao kundi bilang bata. Ang mga sumusunod ay mga karapatan ng bata at magandang pag-isipan para sa mga magulang at sa mga nagnanais na maging magulang sa hinaharap.

1. Maipanganak, magkaroon ng pangalan at nasyonalidad.
2. Magkaroon ng mag-aalaga at mapagmahal na pamilya.
3. Mabuhay ng mapayapa sa isang komunidad and mabuting kapaligiran.
4. Makakain ng sapat at nagkaroon ng aktibo at malusog na pangangatawan.
5. Magkaroon ng edukasyon at mahubog ang kanilang potensiyal
6. Karapatan sa paglalaro at libangan.
7. Magprotektahan laban sa abuso, pagpapabaya, karahasan at panganib.
8. Madepensahan at matulungan ng pamahalaan
9. Mapahayag ang kanilang mga saluobin at pananaw.

Sa siyam na karapatang ito, kung lalakd ka lamang sa ating mga kalye ay masasabing labis-labis ang paglabag sa kanilang mga karapatan. Sa katunayan, masasabi na hindi ligtas at mapanganib an gating lipunan para sa mga musmos.

Sa mga nabanggit, ang karapatan sa paglalaro ay tila isang bagay na dapat pahalagahan ng maraming magulang at matatanda. Sa totoo lang, makukulit ang mga bata. Sa kanilang kalikutan at kakulitan, maaring maubos an gating pasensiya. Ito ang nagiging dahilan kung bakit maraming guro ang nakakapanakit ng mga bata, mga magulang na hindi makapag-pasensiya sa kanilang mga anak at mga matatanda na nagiging aburido dahil sa ingay, kalikutan at kakulitan ng mga bata.

Sa bansang Afghanistan, kung saan mahigit 50 taon na nakranas ng digmaan ang mga mamamayan nito haggang sa kasalukuyan, may mga organisasyon ruon na nagtuturo sa mga bata ang paraan at kahulugan ng paglalaro. Sa mahabang panahon, ang mga bata sa bansang ito ay hindi na alam kung paano ang maglaro kundi humawak ng baril, makisangkot sa digmaan ng matatanda at magpasabog ng mga dinamita, Granada at land mines ang kanilang natutunan sa maagang yugto ng kanilang mga buhay.

Sa ating bansa, ang ating mga highway at maraming kalye ang nagiging palaruan ng mga bata. Kailangan marahil na hindi lamang pribadong mall kundi mga pampublikong palaruan at parke rin na may seguridad ang dapat itayo sa mga baranggay. Sa tuwing babagsak ang malakas na ulan, sa gabi o umaga man, nagtatakbuhan ang mga bata sa gitna ng kalye, dala-dala ang kanilang maliliit na balde, tabo, basahan at sabon hindi lamang upang magtampisaw sa ulan kundi maglinis ng salamin ng dumaraang sasakyan.

TANOD SERIES – 2 - Ang Kabataan sa Barangay

(ang mga sumusunod ay mga piling artikulong nailathala sa Tanod Dyaryo ng Bayan ni albert banico sa taong 2007 hinggil sa kabataan)

Ngayong nakalipas na dalawang buwan,pinangasiwaan ng COMELEC ang pagrerehistro ng mga bagong botante para sa nalalapit na eleksiyon sa baranggay at sangguniang kabataan.

Ang barangay anang mga libro ang batayang organo ng ating pamahalaan, ngunit lingid sa kaalaman ng marami ang sangguniang kabataan na may kapangyarihan at saklaw na pareho sa baranggay ay maituturing na siyang tunay na batayang yunit n gating gobyerno.

Sa layunin ng pamahalaan na mapalapit ang kabataan sa gobyerno, sinubukang organisahin ang mga kabataan na nasa edad na 16 hanggang 21 para sa pakikilahok nito sa mga gawaing pambaranggay gaya ng sebikong pagkilos, medical mission, pagtatanim ng gulay at puno, talakayan at mga kumperensiya.

Pangunahin ang proyekto noon na kabataang barangay nila Imee Marcos, anak ng dating pangulong Marcos at mga kahenerasyon nila Herbert Bautista, isang child actor noon at bise alkalde ngayon ng Lunsod Quezon. Katuwang sa ekspermentong ito ay ang Development Academy of the Phillippines (DAP) sa kanilang proyekto noong dekada 70 ang Departamento ng Kabataan at Palakasan. Ang Departamentong ito ang namamahala sa lokal at pambansang gawain sa serbisyong sibiko na nagpapadala ng mga kabataan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Siyempre, binuwag ang kabataang barangay matapos bumagsak ang rehimen ni Marcos at pinalitan naman ito ng Sangguniang Kabataan sa suhestiyon ng Konsultahang Kabataan Sa Bundok Makiling noong 1987.

Ang mga pagsisikap na ito ay bahagi ng interes ng mga nasa gobyerno na ilapit ang kabataan sa nasabing institusyon. Sa luob ng may 40,000 barangay sa bansa matatagpuan ang lahat ng uri ng kabataan. Ang mga pala-aral, hindi nakakapag-aral, walang hilig mag-aral at maagang nag-aasawa.

Naririto rin ang pundasyon ng kanilang kinabukasan at pati na rin ang bukas ng lipunan. Nangangahulugan na ang mga proyekto ng pamahalaan ay dapat nakakarating sa mga kabataan lalo na iyong mga proyektong nauukol sa kanila gaya ng edukasyon, kalusugan, palakasan, pagsasanay sa trabaho at pagkamamamayan.

Ngunit ang mga proyekto sa kabataan kadalasan ay nauukol lamang sa beauty contest, kumpetisyon ng mga maiingay na banda, palarong pampalakasan na sa huli ay napakaliit lamang na bilang ng kabataan ang nakakasali at ang karamihan rito ay hindi nakakapag-aral. Ang mga proyektong nabanggit ay isinasagawa kung piyesta na kung ilalaan na lamang sa pagpapaaral ng mga hindi nakakapasok sa eskuwela ay may mas makabuluhang patutunguhan.


SK: Sosyalisasyon sa Katiwalian


Sa telebisyon at mga pahayagan, makikita ang mga mukha ng mga nagpaparehistro para sa darating na halalan sa barangay at sanguniang kabataan.

Kung pagmamasdan mabuti higit kung nakapag-obserba tayo sa mga presinto o lugar kung nasaan ang pagpapatala ng mga bagong botante sa edad na 16 hanggang 21, mapapansin na hindi naman mukhang mga kabataan ang karamihan sa nakapila. Bukod rito, ang simpleng pagpapatala ay magulo, maingay at walang kaayusan. Halimbawa dito ay ang unang araw ng pagpapatala sa Maynila kung saan halos magiba ang isang pader ng COMELEC dahil sa tulakan at siksikan ng sinasabing mga kabataan ngunit hindi naman mukhang bata.

Ang SK o sanguniang kabataan ay bahagi ng sosyalisasyon ng mga kabataan upang matutunan ang mga gawi at pamamaraang panlipunan particular ang pakikipag-interaksiyon sa pamahalaan. Ang sosyalisasyon ay isang konseptong sosyolohikal na ang layuinin ay gawing edukado at sanayin ang mga bata para sa gawain at mga kultura ng mga matatanda.

Ang SK ay nabuo sa gabay ng Local Government Code na isinabatas noon ni Senador Aquilino Pimentel. Layunin rito na sanayin ang kabataan sa mga paraan ng isang mahusay na lokal na gobyerno. Ang kanilang kapangyarihan ay napakalawak at maikukumpara sa lawak ng kapangyarihan ng kapitan ng barangay. Maari rin mag-veto ang SK chairman para hindi maaprobahan ang programa o pondo na gustong isulong ng barangay chairman at mga kagawad.

Ngunit sa kadalasang kalakaran, ang mga SK chairman at pamilya nito ay magkakamag-anak, pamangkin o kaibigan ng mga barangay chairman o mga pulitiko sa nasabing lugar. Kung tutuusin ang halalan sa barangay at sanguniang kabataan ay hindi dapat partisano o hindi dapat naiimpluwesiyahan ng mga partido pulitikal o mga pulitiko. Ngunit maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi ito ang nangyayari.

Kung magkamag-anak ang SK chairman at barangay chairman, maari silang makutsabahan sa paggamit ng kani-kanilang pondo. Ang mga katipunan ng kabataan kasama ng mga kagawad ng SK chairman ay maaring hindi na pulungin at mawalan ng papel sa mga gawain at pondo ng SK. Kung may isang milyon hanggang P3 milyon ang pondo ng barangay, tiyak na ang 10% nito ay dapat mapunta sa SK na kadalasan ay hindi nababalita sa barangay kung saan napupunta. May pribelehiyo pa na civil service eligible agad ang bawat SK.

Kaya kung may bagong motor, cell phone o kung may kotse ang SK, dapat rin na kasali sila sa life style check ng pamahalaan at kasama ng mga barangay ay ipasuri sa lokal na ombudsman ang mga nabanggit na opisyal.

Ang pondo ng Sangguniag Kabataan

Masuwerte ang mga barangay na malaki ang pondo. Ang marami sa mga barangay na ito ay matatagpuan sa mga malalaking lunsod ng Metro Manila gaya ng Quezon City, Makati, Mandaluyong, Pasig at Maynila. Ang mga nasabing lunsod ay mga mga barangay na nasa luob ng kani-kanilang financial district.

Dahil dito normal lamang na ang ilan sa mga barangay na ito ay nasa milyon ang pondo. Ayon sa Local Government Code, 10% ng pondo ng barangay ay dapat na hawakan ng sanguniang kabataan. Ang SK ay binubuo hindi lamang ng chairman nito kundi ng kanyang mga kagawad at ng katipunan ng mga kabataan na binubuo ng mga kabataan na nasa edad na 16 hanggang 21 sa kani-kanilang lugar.

Nangangahulugan na dapat ay ibinabalita ng SK chairman kung saan niya dinadala ang pondo ng mga kabataan. Sa kasamaang palad, nagagastos o kung minsan ay hindi napapakinabangan ang pondong ito ng mga kabataan. Hindi nila batid na may pondo pala na nakalaan sa pagpapaunlad ng kalagayan ng mga bata sa barangay.

Sa mga lugar na mahihirap o mga barangay na nasa mga kanayunan higit doon sa mga liblib na lugar, asahan na halos walang pondo na magagamit ang barangay at ang mga SK. Sa mga lugar na ito, mas may puso ang maraming kabataan sa SK na maglingkod ngunit walang magawa dahil wala silang pondo.

Sa ganitong kalagayan, umaasa sila sa mga tulong na nanggagaling sa mga politiko o munisipyo na pinamumunuan rin ng isa pang politiko. Ang masaklap na katotohananng ito ay nagpapaphina sa development character ng nasabning yunit pamahalaan.

Sa kabilang banda, ang mga nahahalal na SK chairman sa antas ng mga pederasyon gaya sa musipyo, probinsiyal o rehiyonal ay masasabing mapapalad. Karaniwan sa kanila ay mga kamag-anak ng mga alkalde, gobernador o kongresista sa isang distrito na sumasakop sa kanilang barangay.

Ang SK na nahahalal sa mga pederasyon na ito ay umuupong konsehal sa konseho sa munisipyo at halos tumatangap ng pribilehiyo gaya ng mga sa mga halal at ordinaryong konsehal.

Sa dalawang mukha ng SK, masasabing hindi patas ang daloy ng pondo sa luob para sa mga kabataan. Ang may roon ay lalong nagkakaroon at ang walang pondo ay nagpaparamdam lamang na mahirap ang kanilang barangay. Ang pondo ay magagamit sana sa maraming mabubuting programa upang paunlarin ang mga kabataan sa may 40,000 barangay. Isang simple at payak na paraan upang maiahon sa kahirapan ang mga bata at mabawasan ang mga pulubi sa kalye. Ngunit hindi rito napupunta ang pondo. Dapat magreport ang mga naupo.

Ang Kabataan sa Barangay (2)

Sa edad na 15 hanggang 17, maituturing na musmos ang mga kabataan nabanggit. Sa Family at Youth Code ng bansa, ang mga bata na nasa nabanggit na edad, ay kailangang gabayan pa ng mga nakatatanda at mga kani-kanilang magulang.

Ang konseptong ito ay naniniwala na ang mga bata na nasa edad na ito ay wala pang matibay na kakayanan na tukuyin ang mali sa tama at tama sa mali. Ang karamihan sa kanila ay nasa High School at nagsisimula pa lamang mag-aral sa kolehiyo.

Sa edad na ito, ang kadalasang nasa kanilang isipan ay ang kanilang pisikal na anyo at pananamit. Pangunahin rito ay ang ayos ng buhok, hubog ng katawan, impresyon ng ibang kabataan sa kanila at pagkilala sa sarili sa pamamagitan ng pakikipag-kaibigan. Napapansin na rin nila ang unti-unting pagdami ng kanilang balahibo at buhok sa iba’t ibang panaig ng kani-kanilang katawan, paglaki ng boses at pagkakaroon ng interes sa ibang mga bata na may ibang kasarian.

Sa panahon rin na ito nabubuhay ang maraming pantasya, imahinasyon at idealismo. Ito ang kasibulan ng kanilang kalakasan at pagtutuklas sa sariling lugar sa lipunan.

Sa barangay, ang tendesiyang ito ay makikita sa dalawang tunguhin. Una, ang dating bata na maraming kalaro na nakatapos sa elementarya ay dahan-dahang nagiging mapili sa kaibigan at nasisisyanhan na manatili sa luob ng bahay habang bumubuo ng kanyang sariling barkada sa kanyang paaralan.

Sa kabilang panig, ang mga kabataan na nawiwiling makisalamuha sa kapwa kabataan sa barangay at kalapit nito na kadalasan ay nagiging laman ng kalsada, babae man o lalaki. Sila ang nagiging mga “kanto boy” o “istambay” na nagiinuman, nagkukuwentuhan. Naglilimayon sa madaling-araw habang may hawak na gitara o nagrarap sa kalye kasabay ng malakas na mga radyo kahit nahihimbing na ang mga kapitbahay.

Puno sila ng pangarap at ilusyon sa buhay. Ang maging artista, gitarista, hip-hop dancer o rapper. Maging sikat sa barkada o magkaroon ng maraming kakilala. Magandang buhok. Plantsadong damit. Malinis na sapatos at kagiliwan ng natitipuhang kaibigan o kakilala. Naghahanap sila ng modelo. Yung puwedeng gayahin. Sa mabuti o masama, nakikibagay sila. Walang pinipili. Basta kursunada, kanilang sasamahan. Ang mga usapin ng prinisipyo ay hindi ganun kaliwanag. Pero may hubog ng idealismo ngunit hindi ito pulitikal o sosyal kundi personal. Idealismong malapit sa pantasya at imahinasyon sa buhay at sarili. Kailangan nila ng pang-unawa. Higit sa lahat, ang gabay ng magulang at mga nakatatanda.


Pagpaslang sa SK official

Tatlong opisyal ng Sangguniang Kabataan ang napaslang na sa magkakahiwalay na dahilan at insidente sa luob ng sampung taon.

Ang isang biktima ay si Thor Sapasap ng unang distrito ng Maynila sa Tondo, ang isa ay nagngangalang Pipay sa ika-limang distrito ng Maynila sa Ermita at isang kasapi ng Kabataan party List sa probinsiya ng Albay sa Bicol.

Ang unang dalawang kaso ay pinatay matapos nilang magkampanya laban sa ipinagbabawal na gamut at sinasabing napatay ng mga pusher sa kani-kanilang barangay.

Sa katunayan, nagtayo pa nuon si Amina Rasul Bernardo ng Moro Times at National Youth Commission nuon ng Sapasap Movement upang gunitain ang kabayanihan ni Thor. Nagkaruon pa ng isang martsa ng mga kabataan sa Liwasang Bonifacio noong dekada 90 ngunit nabao na lamang ito sa limot.

Ang ikatlong SK na napatay ay pinaghihinalaang napaslang ng mga vigilante at biktima ng extra-judicial killings. Siya ay kabilang sa kulang-kulang na 900 tao na napapaslang sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan.

Ang mga nabaggit na kuwento ng pagkamartir ng mga kabataan ay marahil ang kabilang mukha ng Sangguniang Kabataan na nagpapakita ng kabayanihan at pagkilala sa potensiyal ng institusyong ito para sa mga kabataan.

Ngunit ang mga ito ay nagpapaalala rin na bukod sa katiwalian sa bahagi ng mga barangay, nalalagay rin sa panganib ng karahasan at iba pang hindi kanais-nais ang sino mang kabataan na nais ng pagbabago sa komunidad at sangguniang kabataan.

Nangangahulugang ang sangguniang kabataan mismo ay mapanganib na ekspresyon at larangan para sa kabataan dahil bukod sa katiwalian na naipaliwanag ko na sa mga naunang artikulo ko hinggil sa Sangguniang Kabataan, ang panganib ng karahasan ay isang malinaw na panganib na kakaharapin ng mga kabataan kung kanilang susundin ang totoong katungkulan na inaatang sa kanilang mga balikat ng lipunan sa pamamagitan ng Local Government Code.

Ang edad na 15 hanggang 18 ay masyadong bata upang maging biktima ng katiwalian at walang habas na panganib ng karahasan.


Panalo ang Trapolito

Naimbento ang salitang trapo ilang dekada na ang nakakalipas. Ang trapo ay tumutukoy sa mga politiko na traditional na gumagamit ng guns, goons and gold. Traditional politicians na nandaraya sa eleksiyon sa pamamagitan ng pagbili ng boto, paggamit ng dahas at armas, may private army, mahilig mangako na hindi tinutupad at iba pang paraan ng panloloko.

Noong 1987, sinubukan na isulong ang bagong pulitika na nakasandig sa prinisipyo, plataporma de gobyerno, lakas ng tao, pagmamahal sa bayan at paninidigan. Natalo ang pagsisikap na ito sapagkat pagbubuo ng partido lamang ang naintindihan ng mga nagsulong nito at hindi ang tradisyon sa bansa. Hindi rin handa ang mga botante sa ganitong uri ng kalakaran sapagkat hindi nila alam kung sino ang kakampi at kaaway matapos bumagsak ang dating Pangulong Marcos.

Sa kasamaang palad ayon sa ibang tagamasid, may trapo hindi lamang sa mga tradisyonal na partido kundi sa luob rin ng tinatawag na party list at civil society groups. Sila ay nagpapangap na marginalized kundi man ay progesibo, mahirap at kakampi ng masa pero bahagi rin ng mga maka-elitista o kaya naman ay kasapi ng tinatawag na emerging elite.

Noong kalagitnaan ng dekada 90, may termino na naimbento ang mga mamamahayag, walang iba kundi ang salitang batang trapo. Ang mga batang trapo ay binasagan rin na trapolito. Sino-sino sila:

Mga anak ng mga trapo na kadalasan ay nagmula sa pampulitikang dinastiya sa pambansa, rehiyonal at lokal na politika.
Mga bagong usbong na batang politiko na hindi man galling sa pamilya ng mga dinastiya ay mula naman sa ankan ng politiko na nagbubuo ng bagong dinastiya.
Mga batang kandidatong alaga ng mga politiko at negosyante na nagpopostura na independiente.
Mga batang politiko at kandidato na gumagaya sa mga trapo sa porma ng kampanya at pagpapatakbo sa gobyerno.
Mga batang politiko na nakikipag-kapit-bisig sa mga sektoral na grupo at gumagamit ng mahuhusay na propaganda.

Ang mga trapolito ay nakasandig sa isyu at lakas ng kabataan. Noong panahon ni Mayor Arsenio Lacson ng Maynila tinawag niya ang isang batang kandidato sa pagkakonsehal na so young yet so corrupt. Simula nuon ay hindi na tayo nawalan ng kandidatong bata na potensiyal hindi lamang sa mabuting pamamalakad kundi sa matinding pangungurakot at panloloko. Sila ay mga bata pa at matalino na kayang baluktutin ang mga probisyon ng ating konstitusyon o kung hindi man ay walang nagawang magaling kundi sumipsip o manira.

Mananalo ang bagong mukha dahil sariwang pag-asa ang imaheng dala ng mga trapolito. Pinamumukha sa mga pagod na botante na dapat palitan na ang matatanda at i-halal ang bata. Ngunit ang walang galang sa matatanda ay hindi dapat pagkatiwalaan. Panalo sa balota ang mga trapolito pero matatalo ang bayan. Ang nakasandig sa pangalan ng kanilang mga magulang ay kulang na patunay sa kanilang paninindigan. Napatunayan na ito ng ating kasaysayan.

Sunday, January 13, 2008

TANOD SERIES – 1 CINDERELLA

(ang mga artikulo sa pahinang ito ay bahagi ng mga lumabas na artikulo ni albert banico sa Tanod Dyaryo ng Bayan. Pinili ang ilan upang isama sa blog na ito. Karamihan sa mga Tanod Series articles na narito ay lumabas mula Marso 2007 Hanggang Disyembre ng nasabing taon.)


Birhen sa Eleksiyon

Naalala nyo pa ba ang una ninyong pagboto?

Katulad ng isang birhen na walang karanasan sa pagtatalik, ang unang pagboto ay kakaibang pangyayari. Sa ating bansa, maliban sa Sangguniang Kabataan, kailangan na nasa hustong 18 gulang ang isang botante bago magamit ang kanyang batayang karapatang pampulitika.

Noong 1997, mula sa iba’t ibang sulok ng South Africa bomoto sa kauna-unahang pagkakataon ay bomoto ang mga mamamayang itim habang lumuluha at nagagalak sa tagumpay ng kanilang pakikibaka na pumili ng kanilang sariling lider at patakaran.

Pero sa Pilipinas ang ganitong karanasan ay bihirang maranasan. Ang unang halalan sa bansa ay naganap noong 1907. Ang tanging pinayagang pumili ng mga kinatawan sa kongreso ay ang mga lalaki, may pinag-aralan at ari-arian. Sila ang mga Principalia kinopkup ng mga Amerkano na magiging politiko at pagsisimulan ng may isandaang taon na paghahari ng elitistang demikrasya sa bansa.

Noong 1987, nagbunyi ang maraming botante dahil saunang pagkakataon ay makakaboto sila matapos ang dalawang dekada ng pampulitikang monopolyo ng diktadurang Marcos.

Ngunit ayon sa isang kolumnista mula sa isang sikat broadsheet ay wala naman talagang eleksiyon sa Pilipinas na malinis at matiwasay na nabibilang. Kung maari nga raw ay gusto na ng military na agawin ang pampulitikang kapangyarihan kaya nga lang ay marami ang magagalit at tiyak na hindi ito tatangapin ng taong bayan.

Sa darating na halalan, ang mga nagparehistro sa Commission on Election (COMELEC) sa kauna-unahang pagkakataon ay boboto rin. Mawawasak ang kanilang pagkabirhen. Ang kanilang pagka-inosente sa politika, sa kampanya, halalan, at aktuwal na bilangan o dayaan ay mawawala na.

Nitong nakalipas na mga buwan ay may isang grupo ng mga kabataan na naglalayon na magbigay edukasyon sa mga batang botante. Ngunit makalipas rin ng ilang buwan ay nawala na sila. Naglahong parang bula ang grupong nais tumulong sa may 65% ng kabataan sa bansa na ang kalahati maramil ay lalahok sa darating na halalan..

Ganito rin ang mga kilusan ng kabataan noong 1992 na naglayong magtaguyod ng tinatawag na Youth Vote. Noong 1995 at 1996 marami rin na kabataan ang nagkampanya sa tinatawag na Youth Agenda. At noong 1998, 2001 at 2004 ay maraming watakwatak na koalisyong kabataan na nais rin na imulat sa pampulitikang edukasyon ang kanilang mga kauri o kundi man ay itaas ang kamalayan ng kabataan hinggil sa malinis na halalan at politika.

Katulad ng isang birhen, ang pagiging inosente nito sa pagtatalik ay nawawasak sa ibat ibang paraan. Ngunit ang pagkabirhen ay dapat ingatan lalo kung hindi naman karapat-dapat ang pagbibigyan. Sa halalan, ang pagkabirhen ng kabataan ay maari rin malansi ng mahusay na dila sa pambobola at pagpapangap ng mga kandidato. Hindi maari na manatiling bata ang mga kabataan. Kailangan ang pagkakaisa para sa kapakanan ng kanilang henerasyon. Kung maari nga manatiling birhen muna ang mga birhen.



Mistulang Cinderella

Sa nakaraang curfew, ipinaalalahanan ko ang aking mga estudyante sa iba’t ibang kolehiyo na magsiuwi kaagad sa kani-kanilang tahanan. Ayon sa kanila, pakiramdam nila ay sila si “Cinderalla” dahil hinahabol nila ang alas-dose.

Maalalang sa kuwento ni Cinderella ay may malay na makauwi kaagad bago mag-alas dose ng gabi dahil pagsapit ng hatinggabi ay magbabago ang kanyang anyo gaya ng kasuotan at ng kanyang karwahe. Natatakot kasi si Cinderella na malaman ng tiyahin niyang mala-bruha ang kanyang natatagong lihim.

Kaugnay nito, ang mga tinawagan ko na estudyante ay kumukuha ng nursing course na may “duty” sa mga ospital at mga pauwi sa kanilang mga probinsiya o pamilya. Silang nagwoworking student sa call centers at katulad na trabaho. Ang iba sa kanila ay naipit sa South Luzon Express Way (SLEX) dahil sa bigat ng trapiko. Ang ilan naman ay nakauwi na kaagad at patulog na bandang 11:00 ng gabi.

Ang nasabing curfew ay sinasabing kauna-unahang hakbang matapos na mawasak ng EDSA 1 ang Martial Law regime ni Marcos. Sa kasalukuyang henerasyon, wala silang kamalayan sa kahulugan ng ganitong patakaran. Ang edad mula 12 hanggang 24 ay di nakababatid sa kahulugan ng kasasapitan nila kung mahagip sila ng curfew higit sa mga abusing puwedeng likhain ng mga ganitong patakaran.

Sa nasabing curfew, nahati ang opinyon ng publiko. May mga natuwa dahil mabuti naman daw ito kung ito ay para sa kanilang kaligtasan. Sa kabilang panig, ang mga nagtratrabaho sa gabi gaya ng mga call centers, driver ng taxi at jeep, sidewalk vendors, delivery crew at iba pa ay ang hindi natuwa sa nasabing patakaran ng media.

Sa pagmamadali ng mga bata na makauwi lalo na ng mga papuntang probinsiya at mga mga “duty” sa mga ospital, pakiramdam nila ay nabuhay sila sa panahon may deklaradong martial law. Sinaklot sila ng takot at pag-aalala gayundin ang mga magulang na naghihintay sa kanilang mga anak.

Mabuti pa si Cinderalla sapagkat ang huli ay may “fairy god mother” samantalang ang ating mga kababayan ay umaasa sa kanilang pagdarasal, pangarap at sariling lakas.


Iskolar ng Nanay

Dugo’t pawis ang puhunan ng mga magulang para mapag-aral ang mga anak.

Sa pagitan ng ama at ina, ang nanay ang madalas na lapitan ng mga anak kapag may mga pangangailangan sa iskuwela lalo kung dumarating ang enrolment, magbabayad ng matrikula, may proyekto o iba pang pagkakagastusan sa paaralan. Marami kasing sa mga tatay ay kuripot at ang asawa ang madalas na tagapag-ingat ng sweldo.

Kakaiba sa mga iskolar ng bayan ng Unibersidad ng Pilipinas o sa maraming iskolarsyip na nakukuha sa eskuwela, gobyerno o pribdong grupo, ang mga iskolar ng nanay o mga karaniwang mag-aaral ang higit na nakakarami sa mga eskwelahan.

Kadalasan, hindi naman sila karunungan ngunit hindi naman talagang mahina. Kung mahina man ay nagsisikap ang mga magulang lalo na ang mga nanay na pakiusapan, suyuin o kung hindi man ay takutin ang mga guro ng kanilang mga anak.

Sa konteksto ng mga iskolar ng bayan, namamayagpag ang kaisipan lalo na sa Diliman na dahil sila ay sinasabing mahirap at ang kanilang edukasyon ay biyaya ng gobyerno, buwis mula sa tao at pampublikong iskuwela, nararapat na ang pag-aaral ay hindi lamang pansarili, kundi panlipunan, pankalahatan at patungo sa kapwa at ialay sa bayan. Tipong aktibista o may pagkaserbisyo ang dating. Sa Ateneo kahit na ito ay pribado at pagaari ng mga Heswitang pari, ang kanilang islogan ay iskuwelahan na lumilikha ng mga lalaki at babae para sa kapwa.

Ang mga ganitong oryentasyon at paghubog ay malayong-malayo sa ibang mga karaniwang mag-aaral na ang layunin ay makatuntong sa kolehiyo, magka-diploma, magtrabaho at kamtin ang mga bagay para sa pamilya at sarili. Ang mga pakay na ito ay hindi masama.

Kung tutuusin nga, sa mahabang panahon na nasasadlak sa hirap at kaguluhan ang bansa, ang mga lider na namuno sa bansa ay nagmula sa mga iskolar ng bayan o iskolar na mayayaman. Karamihan nga sa mga iskolar lalo na ang iba na nagmula sa ibang pribadong iskuwelahan ay hindi man lamang naisip na sila ay nagmula rin sa kahirapan. Ang talino ay hindi ginamit sa kabutihan ng kapwa at bayan kundi sa kanilang mga sarili lamang. Mahaba ang listahan ng kasaysayan natin na nasa ganitong mga kategorya ang pagkatao.

Ang maraming unibersidad at kolehiyo na orihinal na binuksan upang sana’y papasukin ang mga kapos o salat sa buhay ay pinaliligiran na ng mga kotse at mga estudyanteng nagmula sa mga mayroon sa buhay. At ang mahihinang estudyante ay tila ba naitatapon at sama-samang napupunta sa mga komersiyal na paaralan na ang tunay na layunin ay hindi edukasyon kundi tubo, salapi at negosyo.

Sa pagbubukas ng klase, ang kinabukasan ng bansa ay huhubugin ng mga paaralang komersiyal o kundi man ay elitista. Ang mga iskolar ng nanay, ng tatay, ng mga karaniwang magulang, ng bukid, ng trak o pabrika ay sasaidin ang bulsa dahil sa pagtataas ng matrikula sa buong bansa. Ang mga estudyanteng ito ang higit na makakaunawa sa pangangailangan hindi lamang ng kanilang mga pamilya kundi ng mga suliranin ng bansa. Hindi nila kailangang makasali sa mga demontrasyon para maintindihan ito sapagkat ito ay maliwanag na nakikita sa kanilang hapag-kainan.