Sunday, January 13, 2008

TANOD SERIES – 1 CINDERELLA

(ang mga artikulo sa pahinang ito ay bahagi ng mga lumabas na artikulo ni albert banico sa Tanod Dyaryo ng Bayan. Pinili ang ilan upang isama sa blog na ito. Karamihan sa mga Tanod Series articles na narito ay lumabas mula Marso 2007 Hanggang Disyembre ng nasabing taon.)


Birhen sa Eleksiyon

Naalala nyo pa ba ang una ninyong pagboto?

Katulad ng isang birhen na walang karanasan sa pagtatalik, ang unang pagboto ay kakaibang pangyayari. Sa ating bansa, maliban sa Sangguniang Kabataan, kailangan na nasa hustong 18 gulang ang isang botante bago magamit ang kanyang batayang karapatang pampulitika.

Noong 1997, mula sa iba’t ibang sulok ng South Africa bomoto sa kauna-unahang pagkakataon ay bomoto ang mga mamamayang itim habang lumuluha at nagagalak sa tagumpay ng kanilang pakikibaka na pumili ng kanilang sariling lider at patakaran.

Pero sa Pilipinas ang ganitong karanasan ay bihirang maranasan. Ang unang halalan sa bansa ay naganap noong 1907. Ang tanging pinayagang pumili ng mga kinatawan sa kongreso ay ang mga lalaki, may pinag-aralan at ari-arian. Sila ang mga Principalia kinopkup ng mga Amerkano na magiging politiko at pagsisimulan ng may isandaang taon na paghahari ng elitistang demikrasya sa bansa.

Noong 1987, nagbunyi ang maraming botante dahil saunang pagkakataon ay makakaboto sila matapos ang dalawang dekada ng pampulitikang monopolyo ng diktadurang Marcos.

Ngunit ayon sa isang kolumnista mula sa isang sikat broadsheet ay wala naman talagang eleksiyon sa Pilipinas na malinis at matiwasay na nabibilang. Kung maari nga raw ay gusto na ng military na agawin ang pampulitikang kapangyarihan kaya nga lang ay marami ang magagalit at tiyak na hindi ito tatangapin ng taong bayan.

Sa darating na halalan, ang mga nagparehistro sa Commission on Election (COMELEC) sa kauna-unahang pagkakataon ay boboto rin. Mawawasak ang kanilang pagkabirhen. Ang kanilang pagka-inosente sa politika, sa kampanya, halalan, at aktuwal na bilangan o dayaan ay mawawala na.

Nitong nakalipas na mga buwan ay may isang grupo ng mga kabataan na naglalayon na magbigay edukasyon sa mga batang botante. Ngunit makalipas rin ng ilang buwan ay nawala na sila. Naglahong parang bula ang grupong nais tumulong sa may 65% ng kabataan sa bansa na ang kalahati maramil ay lalahok sa darating na halalan..

Ganito rin ang mga kilusan ng kabataan noong 1992 na naglayong magtaguyod ng tinatawag na Youth Vote. Noong 1995 at 1996 marami rin na kabataan ang nagkampanya sa tinatawag na Youth Agenda. At noong 1998, 2001 at 2004 ay maraming watakwatak na koalisyong kabataan na nais rin na imulat sa pampulitikang edukasyon ang kanilang mga kauri o kundi man ay itaas ang kamalayan ng kabataan hinggil sa malinis na halalan at politika.

Katulad ng isang birhen, ang pagiging inosente nito sa pagtatalik ay nawawasak sa ibat ibang paraan. Ngunit ang pagkabirhen ay dapat ingatan lalo kung hindi naman karapat-dapat ang pagbibigyan. Sa halalan, ang pagkabirhen ng kabataan ay maari rin malansi ng mahusay na dila sa pambobola at pagpapangap ng mga kandidato. Hindi maari na manatiling bata ang mga kabataan. Kailangan ang pagkakaisa para sa kapakanan ng kanilang henerasyon. Kung maari nga manatiling birhen muna ang mga birhen.



Mistulang Cinderella

Sa nakaraang curfew, ipinaalalahanan ko ang aking mga estudyante sa iba’t ibang kolehiyo na magsiuwi kaagad sa kani-kanilang tahanan. Ayon sa kanila, pakiramdam nila ay sila si “Cinderalla” dahil hinahabol nila ang alas-dose.

Maalalang sa kuwento ni Cinderella ay may malay na makauwi kaagad bago mag-alas dose ng gabi dahil pagsapit ng hatinggabi ay magbabago ang kanyang anyo gaya ng kasuotan at ng kanyang karwahe. Natatakot kasi si Cinderella na malaman ng tiyahin niyang mala-bruha ang kanyang natatagong lihim.

Kaugnay nito, ang mga tinawagan ko na estudyante ay kumukuha ng nursing course na may “duty” sa mga ospital at mga pauwi sa kanilang mga probinsiya o pamilya. Silang nagwoworking student sa call centers at katulad na trabaho. Ang iba sa kanila ay naipit sa South Luzon Express Way (SLEX) dahil sa bigat ng trapiko. Ang ilan naman ay nakauwi na kaagad at patulog na bandang 11:00 ng gabi.

Ang nasabing curfew ay sinasabing kauna-unahang hakbang matapos na mawasak ng EDSA 1 ang Martial Law regime ni Marcos. Sa kasalukuyang henerasyon, wala silang kamalayan sa kahulugan ng ganitong patakaran. Ang edad mula 12 hanggang 24 ay di nakababatid sa kahulugan ng kasasapitan nila kung mahagip sila ng curfew higit sa mga abusing puwedeng likhain ng mga ganitong patakaran.

Sa nasabing curfew, nahati ang opinyon ng publiko. May mga natuwa dahil mabuti naman daw ito kung ito ay para sa kanilang kaligtasan. Sa kabilang panig, ang mga nagtratrabaho sa gabi gaya ng mga call centers, driver ng taxi at jeep, sidewalk vendors, delivery crew at iba pa ay ang hindi natuwa sa nasabing patakaran ng media.

Sa pagmamadali ng mga bata na makauwi lalo na ng mga papuntang probinsiya at mga mga “duty” sa mga ospital, pakiramdam nila ay nabuhay sila sa panahon may deklaradong martial law. Sinaklot sila ng takot at pag-aalala gayundin ang mga magulang na naghihintay sa kanilang mga anak.

Mabuti pa si Cinderalla sapagkat ang huli ay may “fairy god mother” samantalang ang ating mga kababayan ay umaasa sa kanilang pagdarasal, pangarap at sariling lakas.


Iskolar ng Nanay

Dugo’t pawis ang puhunan ng mga magulang para mapag-aral ang mga anak.

Sa pagitan ng ama at ina, ang nanay ang madalas na lapitan ng mga anak kapag may mga pangangailangan sa iskuwela lalo kung dumarating ang enrolment, magbabayad ng matrikula, may proyekto o iba pang pagkakagastusan sa paaralan. Marami kasing sa mga tatay ay kuripot at ang asawa ang madalas na tagapag-ingat ng sweldo.

Kakaiba sa mga iskolar ng bayan ng Unibersidad ng Pilipinas o sa maraming iskolarsyip na nakukuha sa eskuwela, gobyerno o pribdong grupo, ang mga iskolar ng nanay o mga karaniwang mag-aaral ang higit na nakakarami sa mga eskwelahan.

Kadalasan, hindi naman sila karunungan ngunit hindi naman talagang mahina. Kung mahina man ay nagsisikap ang mga magulang lalo na ang mga nanay na pakiusapan, suyuin o kung hindi man ay takutin ang mga guro ng kanilang mga anak.

Sa konteksto ng mga iskolar ng bayan, namamayagpag ang kaisipan lalo na sa Diliman na dahil sila ay sinasabing mahirap at ang kanilang edukasyon ay biyaya ng gobyerno, buwis mula sa tao at pampublikong iskuwela, nararapat na ang pag-aaral ay hindi lamang pansarili, kundi panlipunan, pankalahatan at patungo sa kapwa at ialay sa bayan. Tipong aktibista o may pagkaserbisyo ang dating. Sa Ateneo kahit na ito ay pribado at pagaari ng mga Heswitang pari, ang kanilang islogan ay iskuwelahan na lumilikha ng mga lalaki at babae para sa kapwa.

Ang mga ganitong oryentasyon at paghubog ay malayong-malayo sa ibang mga karaniwang mag-aaral na ang layunin ay makatuntong sa kolehiyo, magka-diploma, magtrabaho at kamtin ang mga bagay para sa pamilya at sarili. Ang mga pakay na ito ay hindi masama.

Kung tutuusin nga, sa mahabang panahon na nasasadlak sa hirap at kaguluhan ang bansa, ang mga lider na namuno sa bansa ay nagmula sa mga iskolar ng bayan o iskolar na mayayaman. Karamihan nga sa mga iskolar lalo na ang iba na nagmula sa ibang pribadong iskuwelahan ay hindi man lamang naisip na sila ay nagmula rin sa kahirapan. Ang talino ay hindi ginamit sa kabutihan ng kapwa at bayan kundi sa kanilang mga sarili lamang. Mahaba ang listahan ng kasaysayan natin na nasa ganitong mga kategorya ang pagkatao.

Ang maraming unibersidad at kolehiyo na orihinal na binuksan upang sana’y papasukin ang mga kapos o salat sa buhay ay pinaliligiran na ng mga kotse at mga estudyanteng nagmula sa mga mayroon sa buhay. At ang mahihinang estudyante ay tila ba naitatapon at sama-samang napupunta sa mga komersiyal na paaralan na ang tunay na layunin ay hindi edukasyon kundi tubo, salapi at negosyo.

Sa pagbubukas ng klase, ang kinabukasan ng bansa ay huhubugin ng mga paaralang komersiyal o kundi man ay elitista. Ang mga iskolar ng nanay, ng tatay, ng mga karaniwang magulang, ng bukid, ng trak o pabrika ay sasaidin ang bulsa dahil sa pagtataas ng matrikula sa buong bansa. Ang mga estudyanteng ito ang higit na makakaunawa sa pangangailangan hindi lamang ng kanilang mga pamilya kundi ng mga suliranin ng bansa. Hindi nila kailangang makasali sa mga demontrasyon para maintindihan ito sapagkat ito ay maliwanag na nakikita sa kanilang hapag-kainan.

2 comments:

guiathaisa said...

DURING THIS DAY, I AM ASSIGNED FOR A 3-11 DUTY AT THE EMERGENCY ROOM OF PHILIPPINE NATIONAL POLICE GENERAL HOSPITAL. BEFORE I LEAVE THE HOUSE MY MOM TOLD ME NOT TO GO ANYMORE BECAUSE OF THE PENINSULA INCIDENT, BUT I REALLY WANT TO GO ON DUTY. UPON ARRIVING THERE MY CLINICAL INSTRUCTOR INFORMED US THAT THEY ARE ON RED ALERT BECAUSE OF WHAT IS HAPPENING. SO AROUND 6 THEY TOLD US TO PACK OUR THINGS UP. IM JUST SO DISAPPOINTED BECAUSE WE WANT TO GO ON DUTY. WE WANT TO WITNESS WHATEVER IT IS THAT WILL BE HAPPENING. BUT WE HAVE TO FOLLOW THEM FOR OUR OWN SAFETY. FOR ME, YHE 12:00 MN CURFEW IS JUST RIGHT. IT IS FOR OUR OWN SAFETY. AND I BET ALL THE PARENTS OUT THERE ARE IN FAVOR OF THIS. SOMETIMES WE HAVE TO WIGH THIGS UP. WE SHOULD THINK FIRST OF THE PROS AND CONS. I BELIEVE THAT THE CURFEW IS MORE OF A SAFETY MEASURE FOR US. IT IS FOR US NOT FOR ANYONE ELSE.

guiathaisa said...

-GUIA THAISA PANGAN BSN3D