Thursday, May 20, 2010

Kung Magtagumpay si Noynoy?

Sa unang isang buwan bago ang panunumpa ng bagong Pangulong Benigno Aquino III, ang bumoto at hindi bumoto kay Noynoy aasa na ang daan matuwid ang tatanganan ng bagong Presidente.

Sa luob ng sandaang araw, manunuood ang taong bayan. Makikinig sa mga pananalita at pangako. Habang nabubuhay sa pagsusumikap at pangingibang bayan ang marami, manunuood ang marami.

Tangan ni Noynoy ang kulay dilaw na himagsikang mapayapa at demokratikong pagbabago na nasimulan sa boykot sa halalan ng interim batasang pambansa noong 1978, sa mga dugong pumatak mula sa kanyang amang si Ninoy noong 1983 sa Manila International Airport at sa EDSA noong 1986.

Sa kanyang ama, malinaw na ang pakikihamok sa diktadura ay dikta ng malungkot na kasaysayan ng kanyang ama na si Benigno Aquino, dating speaker ng Pambansang Asembliya sa panahon ng mga Hapon at sinasabing bise presidente noon ni jose P. Laurel. Yumao ang naunang Benigno na hindi naunawaan ng publikong winaksi ang mga pangalang nagkaroon ng relasyon sa militarismong pananakop ng mga Hapon. Dalawang Ninoy ang nakita ko sa ating kasaysayan, ang una ay isang batang politikong trapo at ang ikalawa ay ang martir sa tarmac na minahal ng bayan. Sa pagkamatay Ninoy naging matagumpay ang pagbagsak ng Diktadurang Marcos at lubos na paghango ng pangalang Aquino sa kasaysayan.

Ang pagkamatay ni Cory at pagwawagi ng Noynoy sa halalang 2010 ay tagumpay ni Ninoy sa pagtupad sa pangarap na nausyami dahil naideklara ang batas militar noong 1972. Nais ni Ninoy na makatakbo sa pagkapangulo noong 1973, ngunit nakulong ito ng pitong taon. Ang unang Aquino na naitala sa himagsikan laban sa kolonyalismo sa naging bahagi ng Republikang Malolos. Si Noynoy ngayon higit na nagtatangan hindi lamang ng laban na nasimulan noong panahon ng diktadura kundi ng aspirasyon ng mga ilustrado at indio na hanguin ang bayan sa isang maunlad at malayang lipunan.

Ang kampanya ni Noynoy ay umikot sa paglaban sa katiwalian bilang sentrong suliranin ng bayan. Nakasulat sa ating kasaysayan kung paanong ang mga mayayamang angkan sa Pilipinas naging tiwali at humango ng tiwaling kalakaran sa mga mananakop na dayuhan. Ito mismo ay isinulat ng pambansang nobelistang si F. Sionil Jose.

Hindi madali ang daang matuwid na patutunguhan ng mga Pilipino. Ang daan ng kabutihan at kaunlaran ay daraan sa makitid at matinik na daan. Kung magtatagumpay si Noynoy na pagbutihin at mas matinung pamumuno at magdulot ng mabuting pamumuhay sa mga naghihirap na Pilipino, ang mga Aquino ay nakatitiyak ng lugar at pagkilala sa kasaysayan pangalawa sa angkan ng mga Rizal.

Ngunit kung si Noynoy ay lamunin ng mga tiwaling papaligid sa kanya, hindi ko batid anung kahihinatnan ng mapayapang himagsikan. Huwag ka sanang mabigo Noy.