Saturday, July 5, 2008

Kung 18 ka na? – albert banico


Kapag 18 ka na? – albert banico

Marami ang naghihintay sa pagdating ng edad na 18. Sa katotohanan, ang mga nilipasan ng mga numero sa kalendaryo ay hindi mapipigilang lumingon sa panahong siya ay pumasok sa edad na Diyesi Otso.

Sa panahong ito, ang bata ay nagsisimulang maniwala na siya matanda na. Lumilingon sa nagdaang buhay ng kamusmusan at nagsisimulang abutin ang mga gawi, gawain at kundisyon na iniiralan ng mga tumatanda na, matanda na at palipas na. Sa mabuti man o sa masamang tunguhin.

Bago mag-diyesi otso ang bata, naniniwala ang lipunan na hindi nito batid ang tama at mali o mali sa tama. Hinihikayat ng batas na gabayan ang mga bata na wala pa sa 18 at tukuyin ang mga proteksiyon na nararapat sa kanila. Ito ay laban sa ano mang panganib na maaaring magawa ng mas nakatatanda sa kanila.

Ngunit sa edad na ito, sinusubukan na ng maraming musmos ang paggaya sa nakatatanda. Ang paghahanap ng lugar sa mundo gayundin ang pagtukoy sa naisin sa buhay. Mapalad ang bata na musmos pa lamang ay batid na ang kanyang layunin sa buhay. Ang marami ay kabaliktaran.

Sa kaarawan ng isang kabataan, halimbawa ay isang dalagita ang 18 ay simbolo ng pamumukadkad tulad ng isang bulaklak. Ito ang simula ng maraming bagay. Sa iba nama’y maaga pa ay nasimulan na nila ang lahat ng mabuti o hindi tama. Kapag 18 ka na, naiisip ng ibang bata na puwede na ang hindi puwede. Maaari nang makipagsabayan sa mga may edad.

Tinuturing ng lipunan, kapag 18 na ang isang bata ay may abilidad na itong makapag-pasya sa buhay. Pumili ng kanyang nais at makilahok sa lipunan. Mas aktibo at matibay na makibahagi sa daloy ng mga usaping pambayan o pandaigdigan.

Marami nang inaasahan sa edad-18. Ang mga magulang naman ay nahahati ang damdaminm Natatakot sa hamon ng pagtuklas ng bata sa sarili. Kung minsan ay nagagalak sa maagang pagpapasya ng mga anak. Sa panahong ito, malago na ang maraming pagbabago sa sariling katawan na dati ay musmos pa lamang.

Nagbabago ang pigura ng katawan, nag-aalala sa mga tigyawat sa mukha, sa damit na nagagamit, sa mga sasabihin ng kaibigan at kamag-aral. Lumalago ang mga boses, nagiging mapusok, dahan-dahang nagpapasya.

Kaya naman ang lipunan ay humahabol sa katangian ng lakas, galing, imahinasyon at malikhaing kabataan. Sa iba, ang 18 ay panahon ng pagtangap at pumili ng mas marahas na landas. Ang iba ay matatagpuan ang sarili sa mga pusod ng hazing, madilim na motel, sa piling ng bawal na gamut, matatayog na bundok o armadong pakikibaka.

Ang marami ay magtutungo sa mga paaralan, magbibilang ng diploma upang ipaskil sa kanilang mga alaala o gawing pondasyon ng kanilang matatayog na pangarap. Ang ilan ay sa mga pagawaan o lansangan upang lumaban sa hamon ng kahirapan. Sa kabuuan, ang marami ay magpapasya hindi para sa bayan kundi para sa pamilya na sa dulo ay para din sa bayan.