Friday, August 21, 2009

Pagmamahal sa bayan? – albert banico


Agosto 21, 2009 at ilang taon na nga pala ang nakakalipas simula nang maganap ang trahedya at pagpapakabayani ni Ninoy Aquino.

Sa telebisyon, isang Pilipina ang umiiyak sa airport dahil niloko daw siya ng isang ahensiya sa Pilipinas at mabuti na lamang at nakauwi siya ng buhay.

Sanlibot isang kuwento na din ang nabasa ko kung paano kaberdugo ang maraming lider sa pangungulimbat ng kaban ng bayan o kaya naman ay tumalikod sa mga ipinangako nito sa bansa.

Sa kabilang banda, hindi matatawaran ang mga imahe na naglalarawan sa mga Filipinong nilalamangan ang kanilang kapwa. Mga taxi driver na iniikot ang kanilang pasahero. Mga Bus driver na nanagasa ng mga pasahero o by stander. Mga karterong ninanakawan ang mga sobre. Mga traffic enforcer na nagtatago sa likod ng poste o sulok habang madaming driver ang hindi sumusunod sa batas trapiko.

Mga doctor na ooperhann ang pasyente kahit hindi kailangang operahan.Mga abogadong pahahabain ang kaso o palalakihin ang problema para kumita. Pandaraya sa timbang sa palengke, pagbebenta ng pekeng gamut at gamit. Pagtutulak ng droga at iba pang panloloko sa kapwa.

Lahat marahil tayo ay nagkasala na sa mundong ito. Ngunit sa malawak na pagtingin ang mga kababayan natin ay kababayan natin. Kapwa tayo mga Filipino. Lugmok ang bansa dahil mahina ang pagmamahal natin sa ating bayan. Ang sukatan natin ng pagmamahal na ito ay pagbubuwis ng buhay o kaya naman ay paglaban sa mga nasa kapangyarihan.

Pangalawa sa pagmamahal sa Diyos ay pagmamahal sa Bayan. Isang pag-ibig na dalisay ika nga ni Gat Andres Bonifacio. Ngunit hindi malalim ang pagkakaunawa natin sa ating bayan. O marahil sa ating pagkaFilipino. Marahil Pilit ito at nagiging Filipino lamang tayo dahil naipanganak tayo sa Pilipinas at ang mga magulang natin ay mga Filipinong napilitan ding ipanganak bilang Filipino.

Ngunit hindi aksidente na lahat tayo sa bayan na ito ay ipanganak sa lupaing hinati ng mga pulo, kabundukan at mga Yamang dagat. Ang mga sinasabing abusadong lider sa ating kasaysayan ay mga sintomas marahil ng kawalang pagmamahal sa bayan.

Paglimot na ang mga kalahi natin ay mga kababayan nating dapat pagmalasakitan at igalang sa kanilang pananaw habang iniisip din nila ang parehong kamalayan. Sabi Ninoy, the Filipino is worth dying for? Sinagot ito ng isang estudyante sa tanong na paano mamahalin ang isang bagay na hindi mo alam kung ikaw ay mahal din?

Marahil ang pagmamahal na ito ay walang konsepto ng sarili kundi ng mas malawak na kapwa. At ang konsepto ng kapwang ito ay katutubong Filipino sa kaisipang kapwa tao, kristiyano, relihiyoso o katoliko.

Ang kailangan lamang ay tiwala sa mga Filipino at pamunuan ang mga Filipino ng mga pinunong may tiwala sa kanilang mga kababayan. Ngunit bago ang lahat kailangan makilala ng bawat isa ang kanilang sarili bilang Filipino.

Marahil nalimutan natin kung paano ang isang Saro Banares ay mapatay habang marami ang puwedeng umawat o saksakin ang isang estudyante sa UP Diliman sa tabi ng isang pila ng jeep. Marahil karuwagan ngang matatawag ito. Kaduwagan na mahalin an gating kapwa.