Monday, January 14, 2008

TANOD SERIES – 5 Karapatan ng bata ang maglaro

(ang sumusunod ay ilan sa mga artikulo hinggil sa mga musmos na isinulat ni albert banico at lumabas sa Tanod Dyaryo ng Bayan)


Bakit tumatakas ang mga bata sa Boys Town


Ang mga Boys Town sa iba’t ibang panig ng bansa, gaya ng mga matatagpuan sa Makati, Maynila at Marikina ay inaasahang kanlungan ng mga batang palaboy sa lansangan, ulila sa magulang, nasadlak sa maliit na krimen at bilanguan. Ngunit, sa kuwento ng dalawang bata hindi ito ang kanilang karanasan.

Isang tanghali habang ako ay malapit sa Bay Walk, Roxas Boulevard sa Maynila ay nilapitan ako ng dalawang batang palaboy na masasabi ring mga binatilyo. Sila ay si Roni, edad 10 at Alvin, edad 12 na kapwa marungis, nakayapak at palaboy sa nasabing paligid. Noong una ay hindi ko sana sila papansinin ngunit nang sinubukan kong pauwiin sila ay binanggit ng mga bata duon sila nakatira. Palaboy sa paligid ng Malate at kapwa tumakas sa kamay ng Boys Town.

Ang konsepto ng Boys Town para sa mga kaso ng Juvenille Deliquency o mga kabataang naliligaw ng landas at nangangailangan ng atensiyon ay isang konsepto hango sa teorya sa sosyolohiya ni Emile Durkeheim kung saan ang mga tao o bahagi ng lipunan na nagiging pabigat at hindi makatugon sa mga layunin at tungkulin ng sosyodad ay inlalagay sa mga institusyong muling magsasanay sa kanila upang makabalik at makatugon sa pangangailangan ng komunidad.

Kasama rito ang pangangalaga sa kanilang pisikal at pankalusugang pangangailangan upang maging kapaki-pakinabang ang mga tao sa buhay ng lipunan. Ang mga institusyon gaya ng mga rehabilitation center, gayundin ang mga selda, Mental Hospital, Correctional at mga Boys Town ay bahagi ng ganitong pananaw ni Durkheim.

Subalit ang kuwento ni Roni at Alvin ay naglalarawan ng mga Boys Town na imbis na mapag-aruga ay malupit at mabangis. Ayon sa dalawang bata, sa lluob ng Boys Town, may mga bata na galing sa mga selda na nakagawa ng krimen ang inihahalo sa mga batang sadyang palaboy lamang o kaya naman ay mga ulila lamang. Ang mga batang matatapang ay nananakit at animo ay “mga munting maton” na ginagawang taga-masahe ang mga batang bagong salta sa Boys Town.

Kapag wala namang bantay, ang mga bagong dating na bata ay niabatukbatukan lamang ng ibang bata at ang mga bantay naman ay nanghahataw ng kahoy o batuta sa likod at iba pang part eng katawan ng bata bilang pagdidisiplina.May mga silid rin na animo ay selda sapagkat puno ito ng rehas. Ang ganitong uri ng rehabilitasyon sa mga bata sa lansangan ay malaking paglabag sa karapatan ng mga bata.

Hindi pa kabilang rito ang maliit na pondo ng mga Boys Town na nagiging dahilan kung bakit salat ang pagkain ng mga bata. Ang karamihan rin dito ay may mga galis at iba pang sakit sa balat at siksikan ang higaan sa gabi. Kinakatakutan rin ng mga bata ang DSWD kung saan aniya na kapag ito na mismo ang kumuha sa kanila ay tila mga bilanggo sila sa mundo.

Hindi ito ang unang karanasan ko sa mga bata ng Boys Town. Noong 2002, isang pipi na aking tinuturuan sa St. Mary Academy ang tumakas rin sa Boys Town ng Maynila. Noong 1993, kasama ng konseho ng mag-aaral ng Lyceum, nagtungo kami sa isang Boys Town sa Marikina at duon nakita ko ang kahabag-habag na kalagayan ng mga batang ginagalis at sabik na sabik sa pagmamahal ng isang kapatid at magulang. Hinawakan nila ang aming kamay at tinanung kong kami ba ang kanilang “kuya.”

Ang Yakap sa Musmos ay Mahalaga

Sa isang tahanan sa kalye ng Tayuman sa Maynila, matatagpuan ang isang kanlungan hindi lamang para sa mga ulila at iniwan ng mga magulang kundi ng mga batang mongoloid at pinangangasiwaan ng mga madre ng Sister’s of Charity, isang grupong itinatag sa pangunguna nuon ng santang si Mother Theresa ng Calcutta, India.

Ang nasabing tahanan ay bukas sa mga taong may panahon at maaring tumulong sa mga batang nangangailangan hindi lamang ng suporta sa kanilang pagkain, gatas at damit kundi higit sa lahat ay ang pag-aaruga sa mga bata kahit ito ay ilang minuto o oras man lamang.

Ang konsepto ng pook na ito ay isang bukas na pinto sa sino mang may interes at pusong nagnanais mag-aruga, kumarga at yumakap sa mga batang hindi lamang may kapansanan kundi inulila rin ng pagkakataon. Karamihan sa mga bata bukod sa mongoloid ay hindi normal ang pangangatawan. Ang marami sa kanila kundi mga sanggol lamang ay nasa maagang yugto ng kanilang kamusmusan.

Hinahanap nila ang yakap ng isang ina, kapatid at magulang. Bawat bisita ay inaanyahang ibahagi ang kanilang sarili upang yakapin ang mga sanggol. Kulang ang mga madre na nag-alaga sa kanila dahil sa napakarami ng bata na naruruon. Ang madre naman ay payak at simpleng namumuhay kumpara sa ibang grupo ng mga madre. Sa pook na iyon, ang mga madre ay walang air con, magarang sasakyan ay pawing naka-tsinelas lamang.

Ang pagkakataong ibinibigay ng mga sanggol at bata sa pook na ito ay pagmumulat sa atin higit sa bilang mga kapatid sa mga nakakabata at magulang sa mga anak na bigyang panahon ang mga bata. Matutunan natin silang yakapin sapagkat ang pagyakap sa kanila ay hindi lamang pagpaparamdam n gating pagmamahal kundi pagpapaunawa na sila bilang bata o sanggol ay hindi nag-iisa sa mundo.

Ang gating yakap ay nagbibigay sa kanila ng mensahe na may nagmamalasakit sa kanila at ganitong paraan ay natutunan nila sa kanilang paglaki na maging masigla, matapang at may tiwala sa kanilang kakayanan at sarili.

Sa kabilang banda, hindi ito ang karanasan ng mga ulila sa kalye at sa mga bahay ampunan. Maraming bata ang nabubuhay sa takot, kalungkutan at kawalang tiwala sa sarili. Kung bibigyan natin sila ng ibayong panahon, masasagip natin ang mga bata na sa paglaki ay maaring maging mas mabubuting mamamayan at lider kaysa sa atin.

Minsan raw lang maging bata at sa mga normal na bata ay hayaan nating maramdaman na nuong sila ay bata pa, naramdaman nila na sila ay minahal at niyakap ng buong pagmamahal. Sa kanilang paglaki, ang yakap ng pagmamahal na iniukol natin sa kanila ay ipapasa nila sa mga batang darating sa ating lipunan at ang pagmamalasakit sa kapwa ay magpapatuloy sa bawat panahon. Kung ang maiikling panahon na inilalagi natin sa mga pasugalan, pagwawaldas ng salapi sa bisyo at labis na paggastos ay iniuukol natin sa mga batang ito, malaking bahagi sa suliranin ng bayan ang ating natutulungan.

Ito ay simple at hindi magarbong pagtulong. Dalawin natin ang mga batang ito. Sila ay matatagpuan sa Mission of Charity, paglagpas ng Abad Santos Avenue sa kahabaaan ng Tayuman patungo sa Tondo, Maynila.


Ang mga musmos bilang guro


Sa awitin ng Asin na Masdan mo ang mga bata, inilalarawan ang kakayanang ng mga bata na magturo ng mga bagay na hindi maaaring matutunan mula sa paaralan at sa matatanda.

Ang awit ay isang imbitasyon kung tayo ay nalulungkot, kung ang pag-iisip ay nagugulo sa buhay ng tao at sa takbo ng buhay mo, sa lahat mayaman o mahirap, sa lahat ng nahihirapan o kahit duon sa mga walang pakialam sa mundo, na pagmasdan ang mga bata.

Ang tema ng awitin ay katulad rin ng natuklasang konsepto at ideya ni Maria Montessori kung saan ang kanyang itinayong eskuwelahan ay hindi niya tinawag na paaralan o preparatory center o kindergarten ( na hindi italyano ang pinagmulan kundi Aleman o German) kundi isang tahanang pambata. Sa tahanang ito na may makukulay na guhit, larawan at pinta na naayon sa kamalayan ng mga musmos ay itinuturing na guro ang mga bata.

Bilang guro, ang mga bata mula 3 hanggang 6 taon gulang ay hinahayaang matutunan ang pagbibilang, pagsusulat at buhay sa makasining at siyentipikong pamamaraan. Pinaglalaro ang mga bata sa isang kontroladong kapaligiran hindi para kontrolin ng mga matatanda kundi upang maging malaya sa kanilang kamusmusan habang natututunan ang mabubuting paraan ng lipunan.

Sa isang reflection ko nuon sa graduate school tungkol sa konsepto ng sosyolohiya at kapangyarihan, napansin ko rin na ang mga bata at kahit ang mga sanggol ay mga kakayanang mangibabaw sa mga matatanda ng walang ginagamit na rasyunal na katwiran. Walang katwirang pinag-uusapan o pinag-iisipan kundi kusa tayong kumikilos ayonsa kagustuhan ng mga bata higit ng mga sanggol.

Halimbawa, ang mga sanggol ay kayang pasayahin ang nanahimik na mga matatanda o pagalawin ang isang grupo ng mga matanda sa kanyang simpleng paggalaw o pag-iyak na hindi nagsasalita bagkus sa simpleng pagbukas ng palad, pagtitig sa ating mga mata, pag-ngiti, pag-tugon sa ating mensahe at pag ayun sa ating mga senyales na kung pag-isisipan ay mahahalagang bahagi n gating mga sarili at pagiging matinung tao. (Nasabi kung matinu sapagkat may mga tao na hindi ginagamit ang kanilang katinuan kung minsan at may mga taon rin na wala sa katinuan).

Sa awit ng asin, iniimbitahan tayo na masdan ang mga tawanan ng mga bata kung tayo ay nabibigo at nalulungkot. Pag-isipan ang mga simpleng mensaheng dala ng mga bata sa mundo pina-kumplikado ng siyensa habang may mas simpleng siyensa pala ang buhay at kalikasan.

Naalala pa ba natin ng tayo ay mga musmos pa kung saan naglalaro tayo sa ulanan at napaka-positibo pa n gating pananaw sa buhay? Ang mga bagay na ito ay lumilipas sa pagdaan ng panahon. Sa pagdami ng mga mabuti at masamang karanasan gayundin ng maraming kabiguan at mga pangarap na hindi natutupad, ang maliwanag na pananaw sa buhay ay nagdidilim.

Ang dati rating pamamaraan ng katapatan, pagiging masiyahin at mga bagay na simple ay ating nakakaligtaan. Sa ating pagnanais na mapabuti ang buhay matapos ang maraming pagkabigo ay natututo ang bata na mandaya, tumatanda ang bata na marunong matakot at magsinungaling at sa pagtanda ng bata ay hindi na ito marunong magsisisi, magpatawad, humingi ng tawad at magpatawad sa sarili. Muli nating masdan ang mga bata sa paligid.

Karapatan ng bata ang maglaro

Minsan lamang ang maging bata. Sa pagdaan ng panahon, patuloy tayo na tumatanda. Parang puno na dating matatayog ngunit sa pagdaan ng panahon ay kumukulubot ang mga sanga at nalalagas ang mga dahon.

Naalala ko isang umaga sa isang maliit na tindahan, may isang musmos na sa tingin ko ay nasa limang taon gulang lamang ang bumili ng mainit na tubig dahil sa wala silang tubig at kalan para magpainit ng tubig. Ang bata iyon ay simbolo ng kahirapan na nararanasan ng maraming bata.

Nuon nasabi na natin na ang itinuturin na bata sa bansa ay silang nasa edad na 17 pababa. Ang mga batang ito ay kinikilalang may karapatan hindi lamang bilang tao kundi bilang bata. Ang mga sumusunod ay mga karapatan ng bata at magandang pag-isipan para sa mga magulang at sa mga nagnanais na maging magulang sa hinaharap.

1. Maipanganak, magkaroon ng pangalan at nasyonalidad.
2. Magkaroon ng mag-aalaga at mapagmahal na pamilya.
3. Mabuhay ng mapayapa sa isang komunidad and mabuting kapaligiran.
4. Makakain ng sapat at nagkaroon ng aktibo at malusog na pangangatawan.
5. Magkaroon ng edukasyon at mahubog ang kanilang potensiyal
6. Karapatan sa paglalaro at libangan.
7. Magprotektahan laban sa abuso, pagpapabaya, karahasan at panganib.
8. Madepensahan at matulungan ng pamahalaan
9. Mapahayag ang kanilang mga saluobin at pananaw.

Sa siyam na karapatang ito, kung lalakd ka lamang sa ating mga kalye ay masasabing labis-labis ang paglabag sa kanilang mga karapatan. Sa katunayan, masasabi na hindi ligtas at mapanganib an gating lipunan para sa mga musmos.

Sa mga nabanggit, ang karapatan sa paglalaro ay tila isang bagay na dapat pahalagahan ng maraming magulang at matatanda. Sa totoo lang, makukulit ang mga bata. Sa kanilang kalikutan at kakulitan, maaring maubos an gating pasensiya. Ito ang nagiging dahilan kung bakit maraming guro ang nakakapanakit ng mga bata, mga magulang na hindi makapag-pasensiya sa kanilang mga anak at mga matatanda na nagiging aburido dahil sa ingay, kalikutan at kakulitan ng mga bata.

Sa bansang Afghanistan, kung saan mahigit 50 taon na nakranas ng digmaan ang mga mamamayan nito haggang sa kasalukuyan, may mga organisasyon ruon na nagtuturo sa mga bata ang paraan at kahulugan ng paglalaro. Sa mahabang panahon, ang mga bata sa bansang ito ay hindi na alam kung paano ang maglaro kundi humawak ng baril, makisangkot sa digmaan ng matatanda at magpasabog ng mga dinamita, Granada at land mines ang kanilang natutunan sa maagang yugto ng kanilang mga buhay.

Sa ating bansa, ang ating mga highway at maraming kalye ang nagiging palaruan ng mga bata. Kailangan marahil na hindi lamang pribadong mall kundi mga pampublikong palaruan at parke rin na may seguridad ang dapat itayo sa mga baranggay. Sa tuwing babagsak ang malakas na ulan, sa gabi o umaga man, nagtatakbuhan ang mga bata sa gitna ng kalye, dala-dala ang kanilang maliliit na balde, tabo, basahan at sabon hindi lamang upang magtampisaw sa ulan kundi maglinis ng salamin ng dumaraang sasakyan.

1 comment:

guiathaisa said...

I BELIEVE THAT EVERY CHILD HAS A RIGHT TO PLAY. IT IS ESSENTIAL FOR THEIR GROWTH AND DEVELOPMENT. BUT DUE TO POVERTY MANY CHILDREN CAN BE FOUND IN THE STREETS ALONG METRO MANILA. SOMETIMES THEY MAY BE SELLING SAMPAGUITA, RAGS OR WHATSOEVER. AT AN EARLY AGE THEY ARE EXPOSED TO SUCH KIND OF LIFE. WHEREIN THEY HAVE TO EARN MONEY FOR THEM TO HAVE SOMETHING TO EAT. I BELIEVE THAT OUR GOVRNMENT SHOULD DO SOMETHING ABOUT IT. INSTEAD OF CORRUPTING THEY SHOULD DO SOMETHING ABOUT THOSE CHILDREN. - GUIA THAISA PANGAN 3D