Monday, January 14, 2008

TANOD SERIES – 2 - Ang Kabataan sa Barangay

(ang mga sumusunod ay mga piling artikulong nailathala sa Tanod Dyaryo ng Bayan ni albert banico sa taong 2007 hinggil sa kabataan)

Ngayong nakalipas na dalawang buwan,pinangasiwaan ng COMELEC ang pagrerehistro ng mga bagong botante para sa nalalapit na eleksiyon sa baranggay at sangguniang kabataan.

Ang barangay anang mga libro ang batayang organo ng ating pamahalaan, ngunit lingid sa kaalaman ng marami ang sangguniang kabataan na may kapangyarihan at saklaw na pareho sa baranggay ay maituturing na siyang tunay na batayang yunit n gating gobyerno.

Sa layunin ng pamahalaan na mapalapit ang kabataan sa gobyerno, sinubukang organisahin ang mga kabataan na nasa edad na 16 hanggang 21 para sa pakikilahok nito sa mga gawaing pambaranggay gaya ng sebikong pagkilos, medical mission, pagtatanim ng gulay at puno, talakayan at mga kumperensiya.

Pangunahin ang proyekto noon na kabataang barangay nila Imee Marcos, anak ng dating pangulong Marcos at mga kahenerasyon nila Herbert Bautista, isang child actor noon at bise alkalde ngayon ng Lunsod Quezon. Katuwang sa ekspermentong ito ay ang Development Academy of the Phillippines (DAP) sa kanilang proyekto noong dekada 70 ang Departamento ng Kabataan at Palakasan. Ang Departamentong ito ang namamahala sa lokal at pambansang gawain sa serbisyong sibiko na nagpapadala ng mga kabataan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Siyempre, binuwag ang kabataang barangay matapos bumagsak ang rehimen ni Marcos at pinalitan naman ito ng Sangguniang Kabataan sa suhestiyon ng Konsultahang Kabataan Sa Bundok Makiling noong 1987.

Ang mga pagsisikap na ito ay bahagi ng interes ng mga nasa gobyerno na ilapit ang kabataan sa nasabing institusyon. Sa luob ng may 40,000 barangay sa bansa matatagpuan ang lahat ng uri ng kabataan. Ang mga pala-aral, hindi nakakapag-aral, walang hilig mag-aral at maagang nag-aasawa.

Naririto rin ang pundasyon ng kanilang kinabukasan at pati na rin ang bukas ng lipunan. Nangangahulugan na ang mga proyekto ng pamahalaan ay dapat nakakarating sa mga kabataan lalo na iyong mga proyektong nauukol sa kanila gaya ng edukasyon, kalusugan, palakasan, pagsasanay sa trabaho at pagkamamamayan.

Ngunit ang mga proyekto sa kabataan kadalasan ay nauukol lamang sa beauty contest, kumpetisyon ng mga maiingay na banda, palarong pampalakasan na sa huli ay napakaliit lamang na bilang ng kabataan ang nakakasali at ang karamihan rito ay hindi nakakapag-aral. Ang mga proyektong nabanggit ay isinasagawa kung piyesta na kung ilalaan na lamang sa pagpapaaral ng mga hindi nakakapasok sa eskuwela ay may mas makabuluhang patutunguhan.


SK: Sosyalisasyon sa Katiwalian


Sa telebisyon at mga pahayagan, makikita ang mga mukha ng mga nagpaparehistro para sa darating na halalan sa barangay at sanguniang kabataan.

Kung pagmamasdan mabuti higit kung nakapag-obserba tayo sa mga presinto o lugar kung nasaan ang pagpapatala ng mga bagong botante sa edad na 16 hanggang 21, mapapansin na hindi naman mukhang mga kabataan ang karamihan sa nakapila. Bukod rito, ang simpleng pagpapatala ay magulo, maingay at walang kaayusan. Halimbawa dito ay ang unang araw ng pagpapatala sa Maynila kung saan halos magiba ang isang pader ng COMELEC dahil sa tulakan at siksikan ng sinasabing mga kabataan ngunit hindi naman mukhang bata.

Ang SK o sanguniang kabataan ay bahagi ng sosyalisasyon ng mga kabataan upang matutunan ang mga gawi at pamamaraang panlipunan particular ang pakikipag-interaksiyon sa pamahalaan. Ang sosyalisasyon ay isang konseptong sosyolohikal na ang layuinin ay gawing edukado at sanayin ang mga bata para sa gawain at mga kultura ng mga matatanda.

Ang SK ay nabuo sa gabay ng Local Government Code na isinabatas noon ni Senador Aquilino Pimentel. Layunin rito na sanayin ang kabataan sa mga paraan ng isang mahusay na lokal na gobyerno. Ang kanilang kapangyarihan ay napakalawak at maikukumpara sa lawak ng kapangyarihan ng kapitan ng barangay. Maari rin mag-veto ang SK chairman para hindi maaprobahan ang programa o pondo na gustong isulong ng barangay chairman at mga kagawad.

Ngunit sa kadalasang kalakaran, ang mga SK chairman at pamilya nito ay magkakamag-anak, pamangkin o kaibigan ng mga barangay chairman o mga pulitiko sa nasabing lugar. Kung tutuusin ang halalan sa barangay at sanguniang kabataan ay hindi dapat partisano o hindi dapat naiimpluwesiyahan ng mga partido pulitikal o mga pulitiko. Ngunit maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi ito ang nangyayari.

Kung magkamag-anak ang SK chairman at barangay chairman, maari silang makutsabahan sa paggamit ng kani-kanilang pondo. Ang mga katipunan ng kabataan kasama ng mga kagawad ng SK chairman ay maaring hindi na pulungin at mawalan ng papel sa mga gawain at pondo ng SK. Kung may isang milyon hanggang P3 milyon ang pondo ng barangay, tiyak na ang 10% nito ay dapat mapunta sa SK na kadalasan ay hindi nababalita sa barangay kung saan napupunta. May pribelehiyo pa na civil service eligible agad ang bawat SK.

Kaya kung may bagong motor, cell phone o kung may kotse ang SK, dapat rin na kasali sila sa life style check ng pamahalaan at kasama ng mga barangay ay ipasuri sa lokal na ombudsman ang mga nabanggit na opisyal.

Ang pondo ng Sangguniag Kabataan

Masuwerte ang mga barangay na malaki ang pondo. Ang marami sa mga barangay na ito ay matatagpuan sa mga malalaking lunsod ng Metro Manila gaya ng Quezon City, Makati, Mandaluyong, Pasig at Maynila. Ang mga nasabing lunsod ay mga mga barangay na nasa luob ng kani-kanilang financial district.

Dahil dito normal lamang na ang ilan sa mga barangay na ito ay nasa milyon ang pondo. Ayon sa Local Government Code, 10% ng pondo ng barangay ay dapat na hawakan ng sanguniang kabataan. Ang SK ay binubuo hindi lamang ng chairman nito kundi ng kanyang mga kagawad at ng katipunan ng mga kabataan na binubuo ng mga kabataan na nasa edad na 16 hanggang 21 sa kani-kanilang lugar.

Nangangahulugan na dapat ay ibinabalita ng SK chairman kung saan niya dinadala ang pondo ng mga kabataan. Sa kasamaang palad, nagagastos o kung minsan ay hindi napapakinabangan ang pondong ito ng mga kabataan. Hindi nila batid na may pondo pala na nakalaan sa pagpapaunlad ng kalagayan ng mga bata sa barangay.

Sa mga lugar na mahihirap o mga barangay na nasa mga kanayunan higit doon sa mga liblib na lugar, asahan na halos walang pondo na magagamit ang barangay at ang mga SK. Sa mga lugar na ito, mas may puso ang maraming kabataan sa SK na maglingkod ngunit walang magawa dahil wala silang pondo.

Sa ganitong kalagayan, umaasa sila sa mga tulong na nanggagaling sa mga politiko o munisipyo na pinamumunuan rin ng isa pang politiko. Ang masaklap na katotohananng ito ay nagpapaphina sa development character ng nasabning yunit pamahalaan.

Sa kabilang banda, ang mga nahahalal na SK chairman sa antas ng mga pederasyon gaya sa musipyo, probinsiyal o rehiyonal ay masasabing mapapalad. Karaniwan sa kanila ay mga kamag-anak ng mga alkalde, gobernador o kongresista sa isang distrito na sumasakop sa kanilang barangay.

Ang SK na nahahalal sa mga pederasyon na ito ay umuupong konsehal sa konseho sa munisipyo at halos tumatangap ng pribilehiyo gaya ng mga sa mga halal at ordinaryong konsehal.

Sa dalawang mukha ng SK, masasabing hindi patas ang daloy ng pondo sa luob para sa mga kabataan. Ang may roon ay lalong nagkakaroon at ang walang pondo ay nagpaparamdam lamang na mahirap ang kanilang barangay. Ang pondo ay magagamit sana sa maraming mabubuting programa upang paunlarin ang mga kabataan sa may 40,000 barangay. Isang simple at payak na paraan upang maiahon sa kahirapan ang mga bata at mabawasan ang mga pulubi sa kalye. Ngunit hindi rito napupunta ang pondo. Dapat magreport ang mga naupo.

Ang Kabataan sa Barangay (2)

Sa edad na 15 hanggang 17, maituturing na musmos ang mga kabataan nabanggit. Sa Family at Youth Code ng bansa, ang mga bata na nasa nabanggit na edad, ay kailangang gabayan pa ng mga nakatatanda at mga kani-kanilang magulang.

Ang konseptong ito ay naniniwala na ang mga bata na nasa edad na ito ay wala pang matibay na kakayanan na tukuyin ang mali sa tama at tama sa mali. Ang karamihan sa kanila ay nasa High School at nagsisimula pa lamang mag-aral sa kolehiyo.

Sa edad na ito, ang kadalasang nasa kanilang isipan ay ang kanilang pisikal na anyo at pananamit. Pangunahin rito ay ang ayos ng buhok, hubog ng katawan, impresyon ng ibang kabataan sa kanila at pagkilala sa sarili sa pamamagitan ng pakikipag-kaibigan. Napapansin na rin nila ang unti-unting pagdami ng kanilang balahibo at buhok sa iba’t ibang panaig ng kani-kanilang katawan, paglaki ng boses at pagkakaroon ng interes sa ibang mga bata na may ibang kasarian.

Sa panahon rin na ito nabubuhay ang maraming pantasya, imahinasyon at idealismo. Ito ang kasibulan ng kanilang kalakasan at pagtutuklas sa sariling lugar sa lipunan.

Sa barangay, ang tendesiyang ito ay makikita sa dalawang tunguhin. Una, ang dating bata na maraming kalaro na nakatapos sa elementarya ay dahan-dahang nagiging mapili sa kaibigan at nasisisyanhan na manatili sa luob ng bahay habang bumubuo ng kanyang sariling barkada sa kanyang paaralan.

Sa kabilang panig, ang mga kabataan na nawiwiling makisalamuha sa kapwa kabataan sa barangay at kalapit nito na kadalasan ay nagiging laman ng kalsada, babae man o lalaki. Sila ang nagiging mga “kanto boy” o “istambay” na nagiinuman, nagkukuwentuhan. Naglilimayon sa madaling-araw habang may hawak na gitara o nagrarap sa kalye kasabay ng malakas na mga radyo kahit nahihimbing na ang mga kapitbahay.

Puno sila ng pangarap at ilusyon sa buhay. Ang maging artista, gitarista, hip-hop dancer o rapper. Maging sikat sa barkada o magkaroon ng maraming kakilala. Magandang buhok. Plantsadong damit. Malinis na sapatos at kagiliwan ng natitipuhang kaibigan o kakilala. Naghahanap sila ng modelo. Yung puwedeng gayahin. Sa mabuti o masama, nakikibagay sila. Walang pinipili. Basta kursunada, kanilang sasamahan. Ang mga usapin ng prinisipyo ay hindi ganun kaliwanag. Pero may hubog ng idealismo ngunit hindi ito pulitikal o sosyal kundi personal. Idealismong malapit sa pantasya at imahinasyon sa buhay at sarili. Kailangan nila ng pang-unawa. Higit sa lahat, ang gabay ng magulang at mga nakatatanda.


Pagpaslang sa SK official

Tatlong opisyal ng Sangguniang Kabataan ang napaslang na sa magkakahiwalay na dahilan at insidente sa luob ng sampung taon.

Ang isang biktima ay si Thor Sapasap ng unang distrito ng Maynila sa Tondo, ang isa ay nagngangalang Pipay sa ika-limang distrito ng Maynila sa Ermita at isang kasapi ng Kabataan party List sa probinsiya ng Albay sa Bicol.

Ang unang dalawang kaso ay pinatay matapos nilang magkampanya laban sa ipinagbabawal na gamut at sinasabing napatay ng mga pusher sa kani-kanilang barangay.

Sa katunayan, nagtayo pa nuon si Amina Rasul Bernardo ng Moro Times at National Youth Commission nuon ng Sapasap Movement upang gunitain ang kabayanihan ni Thor. Nagkaruon pa ng isang martsa ng mga kabataan sa Liwasang Bonifacio noong dekada 90 ngunit nabao na lamang ito sa limot.

Ang ikatlong SK na napatay ay pinaghihinalaang napaslang ng mga vigilante at biktima ng extra-judicial killings. Siya ay kabilang sa kulang-kulang na 900 tao na napapaslang sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan.

Ang mga nabaggit na kuwento ng pagkamartir ng mga kabataan ay marahil ang kabilang mukha ng Sangguniang Kabataan na nagpapakita ng kabayanihan at pagkilala sa potensiyal ng institusyong ito para sa mga kabataan.

Ngunit ang mga ito ay nagpapaalala rin na bukod sa katiwalian sa bahagi ng mga barangay, nalalagay rin sa panganib ng karahasan at iba pang hindi kanais-nais ang sino mang kabataan na nais ng pagbabago sa komunidad at sangguniang kabataan.

Nangangahulugang ang sangguniang kabataan mismo ay mapanganib na ekspresyon at larangan para sa kabataan dahil bukod sa katiwalian na naipaliwanag ko na sa mga naunang artikulo ko hinggil sa Sangguniang Kabataan, ang panganib ng karahasan ay isang malinaw na panganib na kakaharapin ng mga kabataan kung kanilang susundin ang totoong katungkulan na inaatang sa kanilang mga balikat ng lipunan sa pamamagitan ng Local Government Code.

Ang edad na 15 hanggang 18 ay masyadong bata upang maging biktima ng katiwalian at walang habas na panganib ng karahasan.


Panalo ang Trapolito

Naimbento ang salitang trapo ilang dekada na ang nakakalipas. Ang trapo ay tumutukoy sa mga politiko na traditional na gumagamit ng guns, goons and gold. Traditional politicians na nandaraya sa eleksiyon sa pamamagitan ng pagbili ng boto, paggamit ng dahas at armas, may private army, mahilig mangako na hindi tinutupad at iba pang paraan ng panloloko.

Noong 1987, sinubukan na isulong ang bagong pulitika na nakasandig sa prinisipyo, plataporma de gobyerno, lakas ng tao, pagmamahal sa bayan at paninidigan. Natalo ang pagsisikap na ito sapagkat pagbubuo ng partido lamang ang naintindihan ng mga nagsulong nito at hindi ang tradisyon sa bansa. Hindi rin handa ang mga botante sa ganitong uri ng kalakaran sapagkat hindi nila alam kung sino ang kakampi at kaaway matapos bumagsak ang dating Pangulong Marcos.

Sa kasamaang palad ayon sa ibang tagamasid, may trapo hindi lamang sa mga tradisyonal na partido kundi sa luob rin ng tinatawag na party list at civil society groups. Sila ay nagpapangap na marginalized kundi man ay progesibo, mahirap at kakampi ng masa pero bahagi rin ng mga maka-elitista o kaya naman ay kasapi ng tinatawag na emerging elite.

Noong kalagitnaan ng dekada 90, may termino na naimbento ang mga mamamahayag, walang iba kundi ang salitang batang trapo. Ang mga batang trapo ay binasagan rin na trapolito. Sino-sino sila:

Mga anak ng mga trapo na kadalasan ay nagmula sa pampulitikang dinastiya sa pambansa, rehiyonal at lokal na politika.
Mga bagong usbong na batang politiko na hindi man galling sa pamilya ng mga dinastiya ay mula naman sa ankan ng politiko na nagbubuo ng bagong dinastiya.
Mga batang kandidatong alaga ng mga politiko at negosyante na nagpopostura na independiente.
Mga batang politiko at kandidato na gumagaya sa mga trapo sa porma ng kampanya at pagpapatakbo sa gobyerno.
Mga batang politiko na nakikipag-kapit-bisig sa mga sektoral na grupo at gumagamit ng mahuhusay na propaganda.

Ang mga trapolito ay nakasandig sa isyu at lakas ng kabataan. Noong panahon ni Mayor Arsenio Lacson ng Maynila tinawag niya ang isang batang kandidato sa pagkakonsehal na so young yet so corrupt. Simula nuon ay hindi na tayo nawalan ng kandidatong bata na potensiyal hindi lamang sa mabuting pamamalakad kundi sa matinding pangungurakot at panloloko. Sila ay mga bata pa at matalino na kayang baluktutin ang mga probisyon ng ating konstitusyon o kung hindi man ay walang nagawang magaling kundi sumipsip o manira.

Mananalo ang bagong mukha dahil sariwang pag-asa ang imaheng dala ng mga trapolito. Pinamumukha sa mga pagod na botante na dapat palitan na ang matatanda at i-halal ang bata. Ngunit ang walang galang sa matatanda ay hindi dapat pagkatiwalaan. Panalo sa balota ang mga trapolito pero matatalo ang bayan. Ang nakasandig sa pangalan ng kanilang mga magulang ay kulang na patunay sa kanilang paninindigan. Napatunayan na ito ng ating kasaysayan.

No comments: