Sunday, July 27, 2008

Maunlad na buhay, mabuting pinuno, tapat na pamahalaan – albert banico

May 20 taon na rin ang aking karanasan at pakikisangkot sa sektor ng kabataan at mag-aaral.
Kung tutuusin, ang mga taon na ito ay bumubuo ng isang henerasyon at sa pagitan ng mga taong ito ay nagpapanagpo ang magkakaibang henerasyon na nagdadala ng kani-kanilang paniniwala, kultura, lenguwahe, musika at aspirasyong indibidwal at pambayan. Hindi ko na isusulat ang mga nagdaang panahon sapagkat marami na ang librong naisulat tungkol dito.


Sa isang talakayan kasama ng aking mga mag-aaral sa luob ng aking mga klase, laging nauungkat ang mga diskusyunan tungkol sa mga hangarin ng kabataan. Dahil hindi sila palabasa ng mga libro tungkol sa kasaysayan at hindi rin sila mahilig sa balita, halos nabubuhay lamang sila sa kasalukuyan at dikta ng bawat araw. Wala silang detalyadong nalalaman tungkol sa kalagayan ng bansa o ng daigdig. Ang alam nila ay tiwali ang pamahalaan at mahirap ang buhay.


Ang kahirapan ay nararamdaman nila sa taas ng matrikula, pamasahe, bigas at pagliit ng halaga ng kanilang baon. Ang suliraning pambayan ay nalalaman nila sa pamamagitan ng nakikita nila sa paligid at mga munting balitang nasagap nila sa celphone, internet, kaibigan, silid-aralan at sa kalye. Hindi nila ito natutuklasan sa mga malaking demonstrasyon o pagtitipong pulitikal. Sa Morayta nga, kapag may rali o demo ang mga militanteng kabataan ay parang normal na lamang na tanawin. Wala itong dating sa kanila. Ang ilan nga ay humahanga ngunit marami ay dead-ma lamang.


Nais nilang maging masaya. Dahil maraming suliranin dala ng mga nauna kong nabanggit at higit dala ng mga suliranin sa luob ng kani-lanilang pamilya. Sa pagtatanong kung anu ang nais ng kabataan, nais nilang makatapos sa pag-aaral, matulungan ang pamilya at magulang, makapag-trabaho ng maayos at higit sa lahat mabuting pinuno sa tapat na pamahalaan. Nais nila ito upang ang kaban ng bayan ay hindi malimas at gayundin magamit sa pagpapaunlad ng bayan upang hindi puwersahang mangibang bayan ang nais magkaroon ng mabuting buhay.


Sa mga tinig na ito, hindi nangangahulugan na ayaw ng kabataan ng pagbabago. Kung tutuusin bukod sa naruon palagi ang pagmamalasakit sa pamilya, buhay na buhay ang mga positibong karakter ng pagiging Pilipino. Kilala nila ang Pilipino na matapat, magalang, matiyaga, relihiyoso habang sa kabila nito ay alam din nilang may Pilipinong mandaraya at magnanakaw.


Nais nilang wakasan ang negatibong imahe ng bayan. Ayaw nila sa pamahalaang mandarambong o mga pinunong nagpapayaman habang natutuwa na nakakapila ang kanilang mga kababayan sa pagbili ng kung ilang kilong bigas sa luob ng mahabang oras sa gitna ng malakas na ulan. Nais nila ng pagbabago. Pagbabagong kailangang pamunuan at gisingin sa tamang direksiyon. Nais nila ng pagbabago ngunit hindi alam kung paano ito gagawin at saan sila magsisimula.


Magandang gabay ang mga hangaring nabanggit ko sa itaas upang simulan ang isang panawagan.

No comments: