Monday, September 1, 2008

Pimples, feelings at iba pa -albert banico

Kagigising mo pa lang. Nagulat ka! Pulahan ang itsura. Parang bulkan, unti-unti ang ilan ay pinapagitnaan ng manilaw-nilaw na hindi mo maipaliwanag. Sasabog na hindi mo matangap. Sasabog din ang iyong pagtitimpi.

Naiiyak ka na. Wala kang magawa. Katulad ka rin ng maraming Pilipinong pinagtaksilaan ng mga nasa puwesto at sumampa sa iyo ng katapatan. Hindi naging tapat ang facial cleanser mo, ang beauty soap mong ang ganda-ganda ng marketing sa commercial, ang facial cream na napakamahal at hindi mo naman mabili ang produkto ni Vicky Bello o mapuntahan ang Clinic ni Calayan. Nagtiis ka na lang sa parlor malapit sa inyo at sa pangako ng bading na friend mo. Walang effect ang facial spa, ang dami mong na namang pimples!



Naalala mo pa ba? Tinanong mo ang sarili? Paano na ako haharap sa crush ko? Nakakahiya! Ang laki ng tigyawat mo. Parang ni Rodulf na Red Nose Raindeer ni Santa Claus tuwing pasko. Nag-umpisa sa maliit na kung ano. Nag-iisa. Sinabon mo. Panay ang tingin sa salamin sa kuwarto, salamin sa bulsa o bag mo. Salamin sa banyo. Pati sa classroom, nagsasalamin ka pa rin kahit nagtuturo na ang teacher mo. Feeling niya tuloy wala siya sa clasroom kundi nagpunta siya sa malaking rest room.


Kabataan di ba? Tinext mo ang friend mo. Parang ang nanay o ate mo, tinawagan ang friend kung ano ang gagawin. Ano ang bibilhin? Anong dasal ang pangontra! Napray ka pa ever! Doon sa Baclaran o St Jude sa Mendiola, natuto kang magdasal. Ignore mo ang mga rally. Di mo hear ang protest sa Plaza Miranda. Mas focus ka sa Nazareno at natuto ka pang magpahula kung kelan mawawala ang pimples. Grabe na to!


Ito ang simpleng alalahanin ng talagang kabataan. Walang silang pakialam sa mga isyung pambayan. Kaya wag lokohin ng mga nagpro-protesta ang kanilang sarili na ang kabataan ay handa nang tanganan ang kanilang papel sa tungalian ng kasaysayan. Mahirap ang global warming. Complex masyado! Ang soil erosion o deforestation. Malaki na ang pimples sa ilong, mas masakit at mas ramdam. Pumutok kaya!



Naligo ka kanina. Sinabon mo. Hindi mo inaasahan. Nagdugo. Nakakadiri, me nana! Kasabay ng malinaw na tubig ang pulahan at may manilaw nilaw na kulay ang dumadaloy sa iyong mukha. Parang pampulitikang koalisyon sa pagitan ng pulahan at dilawan, pero mas feel mo ito. Naiyak ka ulit. Paano na si crush! Paano mo na haharapin ang mga crush. Umiyak ka at sa school pinilit mong wag kang makita ng mga crsuh mo. Pero nakita ka. Dyahe paano na to? Text ka ulit sa best friend at ang sabi mo two weeks na ito at they are still there and growing rapidly. Parang hunger and gap between the rich and the poor!



Sa bahay, hindi ka nakatulog ng gabing yon. Inisip mo ang mga posibilidad. Sa kakatext naubos ang load mo. Sarado na ang mga tindahan wala ka nang mapupuntahan. You try to dial a friend pero ring lang ng ring. Mahaba ang gabi, pinilit mong manuod ng TV at nakita mo ang mga balita tungkol sa mga patayan sa Mindanao. Hindi mo maintindihan. Pero naawa ka sa mga bata at nawalan ng bahay. Pero mas nakakatakot ang mukhang sinasakop ng mga mananakop na pimples.



Hindi ka makakapayag. Pero hopeless ka. Napuyat ka ng gabing yon. Nakalimutan mo ang mga homework mo. Ang term paper sa kinamumuhian mong teacher. Ang project ninyo sa science, math at english. History repeat itself. Those who never learn their mistakes will always repeat their past. But, past is past. Ang mahalaga ay ang ngayon. At ngayon ay may pimples ka!
You pray a lot. Sana wala nang pimples. Magpakamatay na lang kaya ako? Pero paano na si crush? Kabataan!


______



ang mangarap ng imposible - albert banico





Ito rin ang nabanggit ni ng pinaslang na Senador Ninoy Aquino sa kanyang mga huling liham sa oposisyon noong diktadurang Marcos. Nais ni Ninoy na magkaisa ang mga Pinoy upang mapigilan ang pagpapatayan ng mga Pilipino. Ang labanan sa pagitan ng may roon at wala, kristiyano at Muslim, Oposisyon at pamahalaan. Kailangan daw ibalik ang matinung pag-iisip at mag-usap ang mga nagtutungalian at pag usapan ang problema.



Ang kaliaksan ng kabataan bilang siya ay hindi nagbago sa mga nagdaang panahon. Siya pa rin ang bahagi ng buhay na naghahanap ng kanyang sarili, pagkatao at lugar sa mundo. Ngunit bilang kabataang Pilipino, siya ay nagpanibagong hubog sa nakaraang dalawampung taon bunga ng maraming pagbabago pisikal na pagbabago sa kanyang paligid at lipunan.



Nakakalito ngunit totoo nagbago ang kabataan ngunit hindi siya nagbago. May pagbabago sa pisikal na anyo ng lipunan ngunit sa kultura ay ganun pa rin siya. Ang malawak na bilang kabataan ay nais mangibang bayan o yumaman upang makamit nila ang kanilang mga pangangailangan sa buhay o kung palarin pa ay makatulong sa nangangailangan. Sa dami ng nakausap kong kabataan sa luob ng sampung taon, lumalakas ang tinig na mangibang bayan at yumaman upang maabot ang kanilang mga pangarap.



Ang mga pangarap na ito ay simple at personal. Kahit gaano kadami ang mga kabataan na nalagpasan na ang kanilang mga personal na interes kung sila man ay tapat sa kanilang sarili, mas marami ang nagpapakatotoo na unahin ang kanilang mga sarili. Malaking pagbabago ito kumpara sa mga nagdaang panahon.



Sa tala ni Sen. Salonga at sa kanyang mga nasaksihan ito ang kanyang mga nasambit sa sulat: throughout our history, it is the youth that has led our people in our struggle for freedom. Si F. Sionil Jose, nawika niya sa kanyang librong In Search of a Word (1998) na ang mga kabataan ay parehong din na tiwali sa mga matatanda. Kaiba ito sa inilalarawan ni Salonga: During the dark years of the Japanese occupation, many young men and women in Luzon, Visayas and Mindanao joined the resistance movement against the invader. When Marcos declared martial law; the cream of the nation's youth went underground and gave their all for the sake of freedom and democracy. Many died without seeing the dawn of freedom.



Noong Agosto 21, 1983, may inihandang pahayag si Ninoy Aquino kanya sanang babasahin sa kanyang pagdating kung hindi siya nabaril sa Tarmac. Ito ay may pamagat na Faith in Our people, Faith in God. Sinabi niya na: The nationwide rebellion is escalating and threaten to escalate into a bloody revolution. There is a growing cadre of young Filipino's who have finally realize that freedom is never granted, it is taken. Ang paglalarawan na ito ay malayo sa larawan ng mga kabataan ngayon matapos ang 25 taon. Kay Leonor Magtolis Briones, ipinahayag niya na:During the sixties, thousands of students all over the world marched on their governments. A common theme was the war in Vietnam .



Nasabi niya: The emergence of political, social and economic crises is radicalizing the students. They are aware of the disarray in governance They now attend rallies and assemblies in greater numbers. They are busy organizing forums and symposium. Slowly, the sleeping giant is awakening. Ngunit, magsama-sama pa ang mga kabataan na ito sa kalye, ang malawak sa kanila ay hindi kasali.






______



Ang makaraos at magparaos -albert banico



Sa mga sanaysay ni F.Sionil Jose at Ka Domingo Landicho, maraming bagay na nagpapakita na hindi nagbago ang ating bayan. Nagpalit-palit lamang ang ating mga pangulo at mga lider sa lokal at pambansang pamahalaan na kung hindi tumatalikod sa kanilang sinumpaan ay nagtataksil sa kanilang mga kababayan. Ang malayong pagitan sa pagitan ng mga lunsod at kanayunan, ang higit na pagitan ng mayaman at mahirap at ang mga nakapag-aral at hindi nakapag-aral ay patuloy na sakit na pinupuna na noong pang dekada 60 o mga nauna pang panahon. Ito ay makikita sa sinulat nila yumaong Raul Manglapuz at iba pang mga manunulat noon.



Kay Sionil Jose, ang pagkain ng tatlong beses sa isang araw ang pangunahing alalahanin ng ating mga kababayan. Wala itong pinag-kaiba sa pagsasaliksik namin ng mga estudyante ko duon sa San Beda College tungkol sa Pangrap ng Pinoy nalathala din dito sa Tanod. Pangarap ng Pinoy ang kumain tatlong beses isang araw, makapag-aral upang makapag-trabahao upang makakain tatlong beses isang araw t kung hindi ito masusumpungan ay nais niyang mag-abroad upang mapag-arak ang mga anak o kapatid, may trabahong sapat at upang makakain ang pamilya tatlong beses isang araw.



Marahil kung totoo ang bintang ng ibang madumi ang isip na wala naman daw talagang krisis sa bigas at ito ay gawa-gawa lamang ng pamahalaan (na sana at hindi totoo sapagkat may mga grupo ng mga magsasakang nagsasabi na sapat ang supply ng bigas sa bansa). Kung totoo na gawa-gawa nga ito na wag sana, maaring nais subukan ang pagtitimpi ng mga Pilipino, putulin ang kanilang payak na alalahanin at matutong bumangon pang itanong sa sarili na ang tao ba ay nabubuhay nga lang sa tinapay? Nakasulat ito sa bibliya at higit daw sa pagkain ang pagkaabalahan ng mga tao. Ngunit hindi naman pandesal lamang ang pagkain ng Pinoy, marami bukod sa bigas. Nariyan ang kamote, mais at saging na saba.



Naisip ko tuloy, ang mga Pilipino ba ay hedonist at sadyang mahilig sa pleasure. Mga bagay na higit sa kanyang pangangailangan. Nagsubok akong pihitin ang isipan ng ilang kabataan. Dumating kami sa kasunduan na ang layunin ng mga karaniwang Pinoy na makaraos sa isang araw ay kaakibat ng layuning mabuhay.



Ang layuning mabuhay ay likas sa isang nilalang sa daigdig na ito. Ang tubig at pagkain kasunod ng damit at bahay ay mga likas na pangangailangan ng maraming tao upang mabuhay ng simple at may dignidad kahit paano. Sa layuning ito masasabi na hindi naman hedonist ang mga Pinoy kundi nais niya lamang mabuhay. - ang makaraos.



May sinuri akong mga pangyayari noon at ngayon sa ating bayan: Ang ating mga Pista at pagdiriwang ay umiikot sa iba't ibang pagkain. Ang ating pag-aalsa sa EDSA noong 1986 ay kinakitaan din ng pagbibigayan ng pagkain, sayawan, hiyawan at kantahan lalo nang mabalitaan ng lahat na wala si Marcos. Ang ating makabagong himagsikan ay nakatuon din sa pagsasaya. Naalala ko noong EDSA 2, nasa kanto pa ako ng Edsa Shrine nang gabi ng Enero 19, 2001. Wala na akong mabilihan ng pagkain at isang may magandang pangalan na ginang na nakalimutan ko na ang nag-abot ng sanwich. Hindi bala ang dala-dala nila duon kundi tinapay at inumin. Sa EDSA 3, ikanagalit ng mga nagpunta duon sa mga media reporters ang pagkuha sa kanila ng kamera habang nag-aagawan o humihingi sila ng libreng pagkain mula sa oportunistang politiko na nanawagan sa kanila at nawala noong ang mga taong bayan ay humarap na sa pamamaril ng militar at pulis.



Makaraos na ibig sabihin ay makalipas. Minsan ay pagpaparaos o pagpapalipas sa buhay na api, pagsasamantala at tiwaling pamumuno ng ating lider at institusyong malayo na sa tunay na damdamin ng ating bayan. Iba na talaga ang marunong sa nagugutom. Ngunit hindi magiging marunong ang taong kumakalam ang sikmura. Pipiliin nilang makaraos kahit magbenta ng kahit ano, katawan, laman luob, poste, rebulto o kahit prinispyo. Hindi ito ang dahilan bakit itinakwil ng bayan ang batas militar.




_______



Lakas ng isip at mabuting luob -albert banico



Ginagamit ko ang salitang lakas (o strength) at hindi kapangyarihan (o power) bilang instrumento ng paglalarawan sa posibilidad at kakayanan sa kabataan.



Sa maraming sanaysay ng mga politiko at mga mandirigma ng nagdaang panahon, nais nilang gamitin ang kapangyarihan ng kabataan bilang armas pampulitika. Kung tutuusin, pati nga si Jose Maria Sison ay may artikulo noong pang dekada 1960 tungkol sa student power. Ayon sa sanaysay na ito, hindi magiging matagumpay ang kapangyarihan ng kabataan kung ito ay hindi nakikiisa sa mga layunin at pangarap ng mga magsasaka sa kanayunan, sa mga mangagawa ng lunsod at mga batayang sektor ng lipunan. Ang kabataan ay sankap sa propaganda.



Ang ilan naman ay nais lamang gamitin ang kabataan sa kani-kanilang makasariling interes sa pulitika o negosyo. Makakumbinsi ng mga kabataang hahawak ng mga kampanya sa eleksiyon at lilikom ng boto upang makaupo sa puwesto. Ang mga kabataan na tagabili o taga-konsumo lamang ng mga paninda ng mga kapitalista o negosyanteng hayok sa tubo habang patuloy ang maraming batang lakas pag-gawa ay walang puknat na pinagsasamantalahan ang kanilang lakas. Pagkatapos nito ay wala nang halaga ang mga batang nagpursige sa nabanggit na layunin.



Halimbawa dito ay ang mga taga-pintura ng mataas na gusali, condo o commercial building na kinokontrata sa luob ng isang buwan. Nakabitin maghapon sa initan ng araw sa may kung ilang palapag ngunit walang insurance. Kikita sila ng P1,500 sa luob ng 15 days at matapos nito ay maghahanap uli sila ng gusali na kanilang pipinturahan. Uuwi sa kanilang putikang komunidad at tatanawin na lamang ang matatayog na gusali mula sa kanilang maliiit na dampa.



Isinulat minsan ni Ka Domeng ayon na rin sa isang balita ng Department of Health at World Health Organization na laganap ang malnutrisyon sa bansa. Tinawag ni Ka Domeng ang kabataan na mga batang walang lakas. Tinutukoy nito ang nutrisyon ng mga batang nag-aaral o hindi nakapag-aaral na nagugutom sa iba't ibang sulok ng bansa.



Ayon sa estudyante ko, ang taong walang laman ang tiyan ay hindi makapag-iisip ng sapat, tama at wasto. Maraming beses ko na itong narinig sa maraming libro at talakayan. Ang potensiyal ng kabataan sa lahat ng bayan ay malawak. Ang institusyon na organisado at malalawak ay saligan ng kabataan. Sila ang lakas panlipunan ng kabataan at bayan. Ngunit gaya ng nasabi ko noon, kung ang mga institusyong pamahalaan, simbahan, hospital at paaralan ay hindi na makatugon sa pangangailangan ng lipunan, dapat nating itanong bakit pa sila nakatayo?



Ang batang nahubog na tamang nutrisyon at nahubog ng tamang pag-uugali ay makakabuo ng lakas ng isip at luob. Ang malakas na luob ay nagbibigay ng ibayong kakayanan sa malikhaing pag-iisip, posibilidad at pag-asa. Ngunit kung ang kabataan ay pinalaki sa gutom o hindi sapat na nutrisyon gayundin ng bayang sinanay magutom ng mga lider na nagpapakabusog sa kanilang katiwalian-anu nga bang lakas ang mahuhubog natin sa kabataan?



Ayon sa marami, sa panahon ng gutom, katiwalian, pagsasamantala sa kapangyarihan ng mga nasa poder at yaman, ang tunay na mga lider ay lalabas. Tatawagin sila ng panahong ito. Makikita ng bayan ang tunay na lider at mga nagbabalat-kayo.



Sa mahabang panahon, naroon ang kabataan. Ipinakita ito sa ating mga kasaysayan ngunit nabigo sila sapagkat ang pinakamatatalino sa bawat henerasyon ay nagpatayan o kundi man ay nawalan ng tiwala sa isa't isa. Malalakas ang kanilang isip at luob ngunit nakalimutan nila ang pangangailangan ng mabuting luob at ang layunin nilang wakasan ang kahirapan sa ating bayan.

No comments: